Monday , December 23 2024

Insulto sa PNP na armasan ang barangay officials

PLANO raw ikonsidera ng pamahalaan na ar­ma­san ang mga opisyal ng barangay kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga.

Ito ay dahil sa uma­no’y dumaraming bilang ng mga opisyal ng ba­rangay na namama­tay sa pagtupad ng tungku­lin.

Hindi ba malaking sampal sa Philippine National Police (PNP) ang planong ito, kung ‘di man sa mandato ng ating law-enforcement agencies?

Para na rin kasing sinabi na walang kakayahan ang ating pulisya at mga law-enforcer laban sa krimen at ilegal na droga.

Nakababahala ang planong ito dahil sa gobyerno na rin mismo nanggaling na may mga opisyal ng barangay ang sangkot sa ilegal na droga at criminal activities, at karamihan ay muli pang nahalal sa katatapos na barangay at SK elections.

Bakit mas pahahalagahan ang kaligtasan ng mga opisyal ng barangay kaysa kaligtasan ng ma­ma­mayan, gayong ang panganib ay sadyang kakambal na ng pagpasok sa politika at sa gobyerno.

Ang sinomang opisyal ng barangay na nababahala sa insidente ng mga napapatay ay dapat magsipagbitiw na lang sa tungkulin at palitan ng mga hindi takot sa panganib.

Isa pa, kung de-baril ang mga opisyal ng barangay ay tiyak na ‘di magdadalawang isip ang mga kriminal na unahan sila kaya mas delikadong lumala lang ang krimen.

Habang nagsisikap ang mga mamamayan sa malalaking bansa laban sa baril ay puro pagmumulan ng gulo naman ang naiisip ng mga nang-uurot sa pangulo.

Sa Estados Unidos ng Amerika nga ay patuloy na lumalakas ang panawagan ng mamamayan laban sa baril dahil sa malimit na insidente ng walang habas na pamamaril nang wala namang kadahilanan.

Maging sa Europa at iba pang mga bansa ay may nagaganap na protesta para sa mahigpit na batas laban sa baril, habang tayo naman ay gustong luwagan ang pagbibitbit ng baril imbes higpitan.

Higit sa lahat, hindi ito tugma sa noo’y drug matrix ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte at sa mga inilabas na datos ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kamakailan.

Noong October 2016, ang sabi ni Pres. Digong:

“There are about a thousand policemen involved in drugs. There are about a thousand barangay captains already in the business of shabu. There are about a few mayors and national officials.”

Sa inilabas na listahan ng PDEA nito lamang Abril ay mahigit sa 200 opisyal ng barangay sa bansa ang ayon sa kanila ay pasok sa ilegal na droga.

Si DILG Assistant Sec. Martin Diño naman — kahit wala pang nasasampolan ni isa — ay parang sirang-plaka lang na paulit-ulit sa pagbabanta na kakasuhan ang bumabalewala sa paglikha ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADAC) sa kanilang lugar na nasasakupan.

Isa pa sa hindi magkatotohanang banta ni Diño ang pagsasampa ng kaso sa mga opisyal ng barangay na hindi bubuwag sa mga pesteng obstruction sa lansangan tulad ng mga illegal terminal at illegal vendors, maging ang paglilinis sa mga baradong kanal at estero.

Sino ang matatakot na sundin si Diño kung ni hindi nga niya maipasibak ang nakatalagang PCP commander ng Manila Police District (MPD) na may sakop sa Plaza Lawton sa Bgy. 659-A na pina­mumugaran ng pinakamalaking illegal terminal sa lungsod?

Kung sa kabila na hindi masawata ang maraming opisyal sa mga ilegal na gawain ay para na rin silang dinagdagan ng kapangyarihan na mag-abuso sa tungkulin, lalo’t may lisensiya sa baril.

Kawawa ang ating mga pulis at law-enfor­cers kung balewala rin pala ang bawa’t sandaling buwis-buhay nilang pagsuong sa panganib.

Samantala ang mga pulis na nahuhuling tulog habang nasa duty ay sibak agad sa serbisyo, pero ang mga barangay official na sangkot sa ilegal na droga ay mapapalad na aarmasan pa.

‘Pag natuloy ‘yan, tiyak na balik tayo sa panahon na “wild, wild, west” pa ang US of A.

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *