MAPAGSAMANTALA. Mapang-abuso. Mapang-api. Ganid. Suwapang.
Ito ay ilan sa mga salita na makapaglalarawan sa kahayupang inaasal at ipinakikita ng mga coast guard ng China sa sarili nating mga kababayan sa West Philippine Sea.
Kamakailan lang ay tinalakay natin ang note verbale ng Filipinas laban sa China na naglalaman ng mga insidenteng naganap sa ating karagatan tulad ng instalasyon ng mga missile ng China sa Spratlys at pangha-harass ng mga helicopter ng navy ng China sa rubber boat ng Philippine Navy habang naghahatid ng supplies sa ating mga sundalo sa Ayungin Shoal nitong nakalipas na Mayo 11.
Akalain ninyong bukod pala sa mga kaganapang ito ay naulat na regular din umanong nakararanas ng pang-aapi at pang-aabuso ang ating mga mangingisda sa kamay ng mga mapagsamantalang miyembro ng China Coast Guard sa Panatag (Scarborough) Shoal sa lalawigan ng Zambales.
Bilang patunay ay ipinakita sa isang news program ang phone video ng mga lalaki na sakay ng isang China Coast Guard speed boat na sumampa sa bangka ng mga Filipino at kinuha ang ilan sa magagandang isda na kanilang nahuli.
Regular daw itong ginagawa ng mga speed boat ng China Coast Guard sa mga bangka ng mga Pinoy habang nag-iikot sa karagatan. Hinahalungkat nila ang mga nahuli, kinukuha na lang ang nagustuhan at inilalagay sa plastik para iuwi.
Maaalalang nagkairingan ang Philippine Navy at Chinese Coast Guard sa karagatan ng Panatag Shoal noong 2012 sa panahon ni President Noynoy Aquino. Nagmatigas ang China kaya napaatras ang puwersa ng mga Pinoy hanggang tuluyang napunta sa Beijing ang kontrol sa lugar.
Dahil dito ay nagprotesta ang Filipinas at nang mapuwesto si President Duterte ay nagdesisyon ang international court na ang Scarborough Shoal ay puwedeng pangisdaan ng mga Filipino, Tsino at ng mga kapitbahay nating mangingisda kahit na nakapaloob ito sa exclusive economic zone (EEZ) ng ating bansa.
Sa kabila ng naturang desisyon ay hindi pa rin binitiwan ng China ang lugar at ibang mga kalapit na teritoryo na pag-aari ng Filipinas hanggang sa kasalukuyan.
Ang phone video na ipinakita sa telebisyon ay nagpapakita na kontrolado pa rin nang husto ng China ang teritoryo. Walang magawa at hindi man lang kayang makapalag ng mga Filipino kahit na ang kanilang kabuhayan na inilaan para sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay ay harap-harapang dinudugas ng China.
May mga nagtatanong kung ito ba ang resulta ng ipinagmamalaki ni Duterte ng magandang relasyon natin sa China na bunga ng pakikipagmabutihan niya sa Beijing at sa pangulo nito?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.