Monday , December 23 2024

Buboy, mapatawad kaya ni ex-VP Binay?

MARAHIL ay lihim na nagagalak ang pamilya ni dating Vice President Jojo Binay sa pagsibak, ‘este, pagbibitiw ni Cesar “Buboy” Montano sa puwesto kasunod ng nabulgar na P320-M anomalous “Buhay Carinderia” project sa Tourism and Promotions Board (TPB) ng Depart­ment of Tourism (DOT).

Wala sigurong kamalay-malay si Pang. Rodrigo “Digong” Duter­te kung paano lumundag sa kanyang kampo si Buboy noong kampanya, ilang araw bago ang 2016 presidential elections.

Kuwento ng ating impormante, malaki ang hinanakit ng pamilya Binay dahil sa laki ng “talent fee” ni Buboy na nagpresentang kakampanya bilang isa sa mga celebrity endorser sa pagtak­bong pangulo ng daddy nina Sen. Nancy Binay at Makati Mayor Abby Binay.

Kasama pa raw sa “package deal” kay Buboy pati ang mataas na presyo ng political jingle na ginamit sa kampanya ni ex-VP Binay.

Sabi ng nagkuwento, mabuti na rin at maagang nadeskubre ni Pres. Digong ang hindi kanais-nais na pagkatao ni Buboy bago siya matulad sa nagawang kataksilan sa pamilya Binay.

Siyempre, dahil isa siya sa mga celebrity endorser ng kalaban ni Pres. Digong kaya’t si Buboy ay malimit na kasama sa campaign sorties ni ex-VP, isa na ang ginanap sa University of Santo Tomas (UST).

Nang ramdam na raw ang hindi mapipigilang tagumpay ni Pres. Digong ilang araw bago ang eleksiyon ay parang stuntman ng SOS Daredevils at pataksil na tumambling si Buboy palayo sa kampo ng mga Binay.

Dahil amoy na amoy na ang panalo ng pangulo, nagmamadaling nagtungo si Buboy sa Quirino Grandstand at umakyat sa entablado sa Miting de Avance ni Pres. Digong.

Ang nangyari raw sa TPB, ayon sa nagku­wento, ay patunay na tama ang pasiya ng mga botante na hindi ibinoto si Buboy na na noo’y tumakbong senador at gobernador ng Bohol sa magkahiwalay na eleksiyon.

Ibinulong sa atin na marami pa palang hiwaga na madedeskubre ang Commission on Audit (COA) kung lalaliman pa ang pagbusisi kay Buboy, with special participation ng “tarpaulin expert” na si “Rommel” at sa iba pang anomalous project ng TPB.

MAYAYAMAN
ANG LALONG
YAYAMAN
SA TRAIN LAW

KUNG kailan nagtaasan ang presyo ng mga bilihin at mga bayarin sa serbisyo ay saka pa naisipan ni Sen. Grace Poe na magpatawag ng pagdinig para alamin ang masamang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) sa lalong paglubha ng kahirapan sa bansa.

Layon daw ng isasagawang pagdinig ng pinamumunuang Senate Committee on Public Services ni Poe na mapakinggan ang hinaing ng mga tsuper ng jeep, taxi, at bus sa mga probinsiya sa walang humpay na pagtaas ng mga produktong petrolyo.

Wala na ngang kontrol ang gobyerno laban sa pagtaas ng mga produktong petrolyo dahil sa deregulation law ay pinalubha pa ng mataas na excise tax sa ilalim ng TRAIN.

Naturalmente, ang karagdagang buwis na ipinataw sa mga produktong petrolyo alinsunod sa TRAIN ay sa taongbayan naman kukunin ng mga negosyante.

Ibig sabihin, habang tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo, hindi lamang tataas ang buwis na kukunin din sa consumers, kung ‘di pati halaga ng mga bilihin at mga bayarin sa serbisyo tulad ng koryente, tubig, ospital at iba pa ay magmamahal din.

Ang tawag diyan ay common sense, isang napakahalagang bagay na wala ang mga mambabatas sa Kamara at Senado na nagpasa ng TRAIN na kung tawagin ay regressive taxation na kahit sa mauunlad na bansa sa mundo ay tinututulan ng mamamayan.

Kunsabagay, kahit maging P1,000 kada litro ang halaga ng gasolina at krudo ay hindi apektado si Poe at ang mga mambabatas, ‘di tulad ng mahihirap na iniinda ang kada sentimong pagtaas ng mga bilihin at bayarin.

‘Di kaya gustong magbangong-puri ng mga mambabatas dahil baka sa galit ay hindi iboto ng mga botante sa nalalapit na midterm elections ang mga mambabatas na pumirma at nagsabatas ng TRAIN law?

Sana ay pinag-aralan muna noon ni Poe at ng mga mambatas ang magiging epekto ng TRAIN nang ito ay panukalang batas pa lamang.

Baliktad yata, kung kailan ipinatutupad na ay saka pa lang aalamin ni Poe at ng mga mambabatas ang epekto ang TRAIN law.

Kumbaga, parang kalesa lang na ilalagay sa unahan para humila ng kabayo.

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *