LAHAT ng hilingin ng anak niyang si Calyx, ibinibigay ni Dennis Trillo.
“Wala akong matandaan na hiningi niya na hindi ko ibinigay,” at tumawa ang Kapuso hunk.
Hindi naman materialistic ang anak niya.
“Hindi naman pero ‘pag may nagustuhan siya, minsan may kailangan siyang patunayan muna, ‘pag nag-excel siya sa school.”
Hindi masyadong istriktong ama si Dennis.
“Pero kinakausap ko siya, hindi parang bata ‘yung kausap, parang mature rin ‘yung kausap, parang isang mature na tao ‘yung kausap ko.
“Para mas nae-explain ko sa kanya, para mas maaga pa lang, naiintindihan na niya.”
Hindi lang anak, bestfriend ang turing niya kay Calyx.
“Mas maganda ‘yung ganoong relasyon eh, ‘yung wala siyang itinatago, sinasabi niya kung ano ‘yung mga kailangan niya, kung ano ‘yung problema niya, kung ano ‘yung gusto niyang mangyari sa buhay niya.”
Kapag may pagkakamaling nagawa si Calyx.
“Siyempre kailangan mong i-explain kung ano ‘yung pagkakamali na nagawa niya and kung bakit hindi niya dapat ulitin ‘yun.”
Sa salita niya dinidisiplina si Calyx, hindi niya ito pinapalo.
“Ayoko siya na matakot sa akin, gusto ko may respeto pero respeto ‘yun dahil naiintindihan ko siya hindi dahil natatakot siya sa akin,” seryosong sinabi pa ni Dennis na male lead star ng The One That Got Away ng GMA.