NASA kamay ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kapalaran ni Vice President Leni Robredo at ang milyon-milyong Filipino na bumoto para sa kanya.
Noong April 5, 2018, nagsampa ng mosyon ang kampo ni Robredo na kumukuwestiyon sa threshold na ipinaiiral ng PET sa recount dahil doble ito kompara sa 25% threshold na ginamit ng Comelec noong 2016 elections.
Ang threshold ay tumutukoy sa minimum amount ng marka sa mga oval na pinagbabasehan ng Vote Counting Machine (VCM) bilang balidong boto.
Sa recount, iginiit ng PET na para maging valid vote, kailangang 50% ng oval ang minarkahan ng isang botante. Kaya kung wala pang 50% ang minarkahan sa balota, hindi ito bibilangin sa recount.
Lumalabas na ibinatay ito ng PET sa Rule 43 (l) ng 2010 PET Rules of Procedure na nagtakda ng 50% threshold. Minsan na itong ginamit ng Comelec noong 2010 elections pero nang sumunod na eleksiyon ay ibinaba ang threshold. Ang nakaaalarma rito ay mangangahulugan ito na mag-iiba ang makukuhang resulta ng PET kaysa aktuwal na resulta noong nagdaang eleksiyon.
Nauna nang naiulat na nababawasan na ng boto sa kanyang baluwarteng Camarines Sur si Robredo gayong nasa dalawang linggo pa lamang ang recount.
Ito ang dahilan kaya iginigiit ni Robredo sa PET na maging consistent sa 25% threshold na ipinatupad ng Comelec noong eleksiyon. Nagsumite na ang kanyang mga abogado sa PET ng 2016 elections Random Manual Audit (RMA) Report na nakasaad na ipinatupad nga ng Comelec ang 25% threshold noong 2016 elections.
Sa kabila nito, nakapagtataka namang ibinasura ng PET ang mosyon ng Bise Presidente. Ayon sa resolusyon ng PET na may petsang April 10, 2018, hindi nila puwedeng ituring ang Random Manual Audit Guidelines and Report bilang katibayan na ito ang aktuwal na ginamit na threshold ng Comelec.
Sa desisyong ito, ang mga boto na dating balido sa ilalim ng 25% threshold ay itinuturing na lamang ng PET head revisors bilang stray votes. Ang masama nito, gusto ng PET na mismong ang Bise Presidente ang mahirapan sa pag-claim sa kanyang mga boto imbes ang natalo at naghahabol na kandidato na si Bongbong Marcos.
Ano na ngayon ang mangyayari sa boto ng milyon-milyong Pinoy? Ano na ang magiging kapalaran ng ating Bise Presidente? Makatarungan bang iasa na lamang ito nang buong-buo sa kagustuhan ng PET?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
ni Jerry Yap