SINO ba ang station commander ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4? Si Supt. Carlito Grijaldo pala ang bossing dito. Ayos, kung gayon dahil masasabing napakasuwerte sa kanya ng mga residente na nasa area of responsibility ng PS 4.
Bakit? Paano kasi, masipag na opisyal si Grijaldo – kung kampanya rin lang naman sa kriminalildad ang pag-uusapan, aba’y hindi matatawaran ang kakayahan ni Kernel lalo na ang pagsuporta niya sa kampanya laban sa droga ng QCPD sa direktiba ni QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar.
Kaya, hindi rin tayo magtataka kung bakit itinuring ni QC Mayor ‘este, Vice Mayor Joy Belmonte na itong QCPD sa pamumuno ni Heneral Eleazar ang pinaka-da bes na QCPD ngayon.
Ngayon lang nagsalita si Vice Mayor nang ganito… oo, ang mga nagdaang pamunuan ng QCPD ay hindi niya hinangaan nang ganito o ng city government. Iba ka talaga kasi Gen. Eleazar. Saludo ang marami sa iyo – sa inyong kahanga-hangang leadership.
Paano ‘yan sir, kung hihilingin ng city government na manatili ka muna sa Kyusi – parang kay PNP chief, Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa, okey lang naman ‘di po ba? He he he…
No! You deserve a promotion and to be a Regional Director.
Ano pa man, you deserve a snappy salute Sir, Gen. Eleazar Sir… sampu ng inyong mga opisyal at tauhan sa command.
Congratulations.
Balik tayo sa PS4, tulad nang naunang nabanggit natin, bagamat medyo hindi pa gaano naiinit ang puwet ni Grijaldo sa estasyon na ipinagkatiwala sa kanya ni Eleazar, malaki-laki na rin ang nagawa o naging kontribusyon ni Grijaldo sa kampanya ng QCPD laban sa kriminalidad. I salute you sir Grijaldo.
Pero Kernel, ano itong info na nakarating sa inyong lingkod? Totoo bang ilan sa opisyal o tauhan mo ay tila hindi kontento sa dagdag-sahod na ibinigay ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanila?
Nagtatanong lang po tayo at hindi nag-aakusa.
Bakit natin ito naitanong? Paano po kasi, totoo bang ilan sa opisyal/tauhan mo ang nagbigay basbas kina alyas Mike at alyas Francia para patakbuhin ang kanilang pasugalan “color games/drop ball” sa Sauyo Road?
Siyempre, kung sakaling totoo ang info, lumalabas na tila hindi kontento ang ilang opisyal at tauhan sa dagdag-suweldo na ibinigay ni PDU3 sa kanila. Napaka-imposible naman kasi na walang kapalit ang pabor na ibinigay nila kina alyas Mike at alyas Francia.
Kaya, para hindi kayo pagdudahan Sir Grijaldo, ngayon pa lang ay inyo nang salakayin at isara ang mga sugalang ‘yan. Kayo rin sir, baka nagagamit pa ang inyong pangalan sa kalokohang ‘yan o ‘di kaya maaaring masibak sa po-sisyon dahil lang diyan.
Pero tayo naman ay naniniwalang hindi ka nakikinabang sa palaro nina alyas Mike at alyas Francia. Ikaw pa sir, isa kang matinong opisyal at kontento na sa dagdag-suweldo na ibinigay ng Pangulo natin.
Marami rin palang bahay-aliwan sa AOR mo sir na prente ng prostitusyon… mayroon din mga SPA.
Abangan!
Anyway, unfair sa ilan o nakararaming opis-yal at tauhan ng PS4, batid naman natin na kontento sila sa salary increase ni PRRD. Bukod sa hindi sila nagkukulang sa pangaral ni Gen. Eleazar.
Sir Kernel Grijaldo, salakayin at isara na iyang prehuwisyong sugalan!
Sa susunod tatalakayin naman natin ang karaingan o panawagan ng mga CAFGU mula Negros Oriental at Occidental kay Pangulong Duterte.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan