MASUWERTE ang Heritage Productions at pinamamahalaan nina Sunshine at Charles Lim dahil tinulungan sila ng Viva Films na mai-release ang kanilang pelikulang Magbuwag Ta Kay na pinagbibidahan ng mga baguhang artista mula sa Cebu rito sa Metro Manila.
Ang Heritage Productions ay isang digital media and motion picture production company na nakabase sa Lapu-Lapu City, Mactan Cebu. Ang anak ni Vincent at apo ni Boss Vic del Rosario na si Verb ang naging instrumento para mai-release commercially sa Metro Manila ang Magbuwag Ta Kay.
Ang produksiyong ito rin ang nag-produce ng Sinulog Short Film (2015) na Lunch Box na idinirek ni Remton Zuasola at ang Cinema One Original (2016), Lily na idinirehe ni Keith Deligero at pinagbidahan nina Shaina Magdayao at Rocky Salumbides kasama si Natileigh Sitoy.
Malaki naman ang pasalamat ni Sunshine sa tulong na ibinigay ng Viva Films dahil malaki rin ang maitutulong nito para masigla pa lalo ang Cebu Cinema.
Sinabi naman ni Verb na naniniwala ang Viva na malaki ang market ng Visayas at Mindanao kaya nagtayo roon ng satellite office (Cebu City). Taong 2016 iyon ginawa at sa kanya iniatang ang responsibilidad na pamahalaan.
Aminado si Verb na kabado siya sa ibinigay na trabaho ng kanyang lolo lalo’t wala pa siyang experience. Pero excited din siya sa kung ano ang naghihintay sa kanya sa Cebu.
Dalawampu’t limang taong gulang pa lamang si Verb at nagtapos ng Economic sa Ateneo de Manila University na noong una’y ayaw niyang magtrabaho sa kanilang kompanya. Pero hindi na siya nakahindi nang i-offer ang trabaho sa Cebu.
Malaki ang kompiyansa ni Verb sa Magbuwag Ta Kay, isang romantic comedy movie na pinagbibidahan ng mga local talent sa Cebu tulad nina Akiko Solon (dating Star Power contestant) at ang social-media celebrity na si Rowell ‘Medyo Maldito’ Ucat. Kasama rin ditto Ligaya Rebago at Dante Luzon with special participation ni Mark Anthony ‘Snake Princess’ Abucejo. Mula ito sa direksiyon ni Reuben Joseph Aquino.
Ani Verb, maraming following ang Visayan movie kaya’t nakatitiyak siyang marami rin ang manonood nito sa Metro Manila. Mapapanood ang Magbuwag Ta Kay simula Marso 7, Miyerkoles, nationwide.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio