Monday , December 23 2024
congress kamara

Mga mambabatas na suwail sa batas

PUMAGPAG na naman ang dila ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ipinagmalaking hindi ipa­tupad ang dismissal order laban kay Deputy Speaker Gwendolyn Garcia, third district re­presentative ng Cebu.

Ang pagsibak kay Garcia ay kaugnay ng pagpasok sa P24.47-M kontrata sa ABP Construction in April 2012 pero walang awtoris­asyon ng Sangguniang Panlalawigan.

Ginamit umano ang pondo para sa panambak sa underwater Balili property sa Barangay Tinaan, Naga City na pagtatayuan ng housing project.

Pero maanomalya rin ang pagkakabili sa na­sabing lupa na binayaran sa halagang P98.9-M dahil ang malaking bahagi nito ay nakalubog sa tubig kaya’t nanganak ng panibagong kontrata para tambakan ang tubig.

Katunayan, si Garcia na noo’y gobernador pa ng Cebu ay una nang nakasuhan sa maano­malyang pagkakabili sa nabanggit na property na binayaran sa halagang P98.9-M noong 2008.

Ang naging hatol ng Ombudsman kay Garcia na ibinaba noong nakaraang buwan ay “perpe­tual disqualification from holding any public office” na ang katumbas na ibig sabihin ay habambuhay na siyang tinatanggalan ng karapatan na humawak ng anomang tungkulin sa pamahalaan, elective man o appointive.

Ang pasutil na sagot ni Alvarez sa desisyon ng Ombudsman:

“My appropriate action is not to implement the order because there is nothing in the Constitution that allows me to do that.”

Pamimilosopo ni Alvarez, wala raw sa kapangyarihan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na dumisiplina sa kaninomang miyembro ng Kamara.

Kaya nga hinati sa tatlo ang sangay na exe­cutive, judiciary at legislative na may magkakahiwalay na gampanin ay upang masiguro ang check and balance sa pamahalaan.

Sa pabalang na sagot ni Alvarez, na naturi-ngan pa man din na Speaker at puno ng Kamara, ang desisyon ay nakabase sa kasong graft habang si Garcia ay gobernador pa ng Cebu.

Bakit, saan naman mababasa sa Konstitu­s-yon na kapag ang sinomang nasa pamahalaan ay nakasuhan ay nababalewala na ang kaso at hindi na puwedeng patawan ng parusa kapag lumipat ng puwesto kahit nagkasala?

Ibig pala niyang sabihin, kahit magnakaw ka nang magnakaw sa gobyerno, kumandidato ka para hindi ka maparusahan ng batas kapag na­nalo ka, lalo’t sa ibang puwesto ka nanalo.

Walang ipinagkaiba ang hindi pagpapatupad sa dismissal order ng Ombudsman laban kay Sen. Joel Villanueva na ayaw ipatupad ng Senado sa kaparehong baluktot na pamimilosopo.

Ikinakabit ni Garcia na ang “timing” ng desi­s-yon ng Ombudsman ay may kaugnayan sa kanyang papel sa isinusulong na impeachment ng Kamara laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Puwedeng magamit ni Garcia ang kanyang palusot kung ngayon lang siya sinampahan ng kaso na ilang taon nang hawak ng Ombudsman.

At hindi na bago ang pagsuway at hindi pagkilala ni Garcia sa batas dahil minsan na si­yang nabarikada sa Kapitolyo ng Cebu para hindi maipatupad ang suspension order laban sa kanya noong 2012.

Kayo na ang magpasiya kung sa mga tulad nilang lapastangan at suwail sa batas natin hahayaang ipagkakatiwala ang pagbalangkas ng Saligang Batas.

 

VALDEZ, LA VIÑA SINIBAK SA SSS

SINIPA ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sina Amado Valdez at Jose Gabriel La Viña bilang chairman at commissioner ng Social Security System (SSS), ayon sa pagkakasunod.

Wala nang paliwanag ang Palasyo kung ba­kit, basta’t ang sabi lang ay hindi na ini-renew ni Pres. Digong ang appointment nina Valdez at La Viña sa SSS na nagtapos na noon pang June 30, 2017.

Matatandaan na nabunyag ang malaking eskandalo matapos magsampa ng kaso si La Viña laban sa ilang kasamahang opisyal na umano’y nasa likod ng maanomalyang trading stocks gamit ang pera ng SSS.

Kabilang sa mga sinampahan ni La Viña ng kasong administratibo ang ilang mataas na opi­s-yal ng SSS na sina executive vice president Rizaldy Capulong, equities investment division chief Reginald Candelaria, equities product development head Ernesto Francisco Jr. at chief actuary George Ongkeko Jr.

Naghain din ng kasong graft si La Viña laban sa 21 pang mataas na opisyal sa umano’y pagpasok sa 253 illegal media contracts na umaabot sa halagang P145-M gamit ang pinagpawisang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS.

Sina Valdez at La Viña ay una nang hiniling na magbitiw sa puwesto kasunod ng pagsusulong na itaas ang singil sa kontribusyon ng mga miyembro ng naluluging SSS.

Pinasasabi ng ilang miron… happy condolence raw kayValdez at La Viña!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *