Monday , December 23 2024

Paolo Duterte, dapat tularan ni GM Balutan

ANG ginawang pagbibitiw sa tungkulin ni Presidential son Paolo “Polong” Duterte bilang bise-alkalde ng Davao City ang wastong halimbawa at tunay na kahulugan ng salitang “delicadeza.”

Isang mabuting katangian na bibihira na nating matagpuan sa mga nasa pamahalaan ngayon.

Pagdating sa delicadeza, si Polong ang dapat magsilbing ehemplo na dapat tularan ng mga kapit-tuko sa puwesto, partikular ang mga opi­syal na nasa likod ng maluhong Christmas Party ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa EDSA Shangri-La na pinagkagastahan ng halagang P6 milyones.

Sino ba sila kompara kay Polong na bukod sa naturingang anak ng kasalukuyang pangulo ng bansa ay duly elected vice mayor pa ng Davao, samantala si Gen. Manager Alexander Balutan at mga kasamahan niyang opisyal ay appointed lamang ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa PCSO at walang maipagmamalaking mandato na ibinoto ng mamamayan?

Ang nakahihiya, ikinakatuwiran ni GM Balu­tan na kesyo pakonsuwelo raw ang engrandeng selebrasyon para tumbasan ang pagsisikap ng mga opisyal at empleyado na napalaki ang kita ng PCSO.

Nakalimutan yata ni GM Balutan na hindi sa laki ng kita masusukat ang accomplishment ng PCSO, kung ‘di sa bilang ng mga kapos-palad na kanilang natutulungan.

Marami ang nagsasabi na dapat nang magbitiw si GM Balutan sa puwesto dahil sa malaswang Christmas Party at pagwawaldas sa pondo ng PCSO.

Pero para kay GM Balutan, magre-resign lang daw siya kapag si dating jueteng whistleblower at ngayo’y board director Sandra Cam na kanyang kaaway ang naitalagang PCSO chairman.

Kailangan pala ay maging chairman muna si Cam bago mag-resign si GM Balutan kahit magkasama na sila ngayon sa PCSO.

Hindi ba alam ni GM Balutan na ang magarbong pagdaraos nila ng Christmas Party ay paglabag sa nasasaad sa Code of Conduct and Ethi­cal Standards for Public Officials and Employees (RA 6713) at pati si DBM Sec. Benjamin Diokno na nag-apruba sa pondo ay dapat panagutin.

Malamang na totoo rin kaysa hindi ang mga paratang ni GM Balutan laban kay Cam tungkol sa STL para makinabang ang mga jueteng lord.

Pero hindi nangangahulugang balewala na ang malaking kabastusang ginawa ni GM Balutan at ng mga kasamahang opisyal sa pagwawaldas sa pondo ng PCSO.

Baka sakaling pinalakpakan pa si GM Balu­tan kung ang P14 million na inaprubahan ng Department of Budget (DBM) na pondo ay ginamit nila para ipakain sa dumaraming bilang ng mga natutulog sa lansangan na ang nakagisnang pamumuhay ay magising na laging kaaway ang almusal.

O kaya naman ay naglaan ng para sa mga bilanggo na malaon nang walang dalaw, ‘di tulad ni dating senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., na pinapayagang makalabas pa sa magarang kulu­ngan para makapiling ang pamilya tuwing Pasko at mahahalagang okasyon.

Kung ako si Pang. Digong, sipain na niya agad ang mga opisyal na nagpapagulo lang sa kanyang administrasyon habang maaga.

IBALIK SI MORATO

KUNG tutuusin, ang paglaki ng kita ngayon na ipinangangalandakan ni GM Balutan ay malayong-malayo at wala sa kalingkingan noong si Chairman Manoling Morato ang mahusay na namumuno at nagpapalakad ng PCSO.

Sa kabila na malaki ang kinikita ay sa opisina lamang sa PCSO idinaraos ang kanilang Christmas Party sa ilalim ng makatotohanang liderato ni Morato.

At sa dami ng mahirap at kapos-palad na na­tulungan ni Morato, nunca napabalitang winaldas ang pondo sa anomang bagay na wala sa mandato ng PCSO maliban sa kawanggawa.

Baka sakaling pinalakpakan pa si GM Balutan kung ang P14 million na inaprubahan ng Department of Budget (DBM) na pondo ay ginamit nila para ipakain sa dumaraming bilang ng mga natutulog sa lansangan na ang nakagisnang pamumuhay ay magising na laging kaaway ang almusal.

2.5 PERCENT NG PNP
SA STL, PARA SAAN?

BUKOD sa pondong winaldas sa Christmas Party, maanomalya rin ang pondong ibinibigay ng PCSO sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies para masugpo ang ilegal na jueteng na umaagaw sa kita ng small town lottery (STL).

Noong October 2016 ay lumagda ang PCSO sa kasunduan na ibibigay sa PNP ang 2.5 percent mula sa P60 million kada araw na kita ng STL.

Bakit kailangang pondohan ng PCSO ang kampanya kontra jueteng, ‘di ba kasama naman sa trabaho ng PNP at mga law enforcement agency ang pagsugpo sa illegal gambling?

Susmaryosep!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

 

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *