Monday , December 23 2024

Walang batas sa nagugutom

MALUPIT ang batas para kay Almira Cartina matapos siyang maa­resto ng mga pulis dahil sa umano ay pagna­nakaw kamakalawa ng umaga sa Marikina City.

Agad ikinulong si Cartina sa salang pagnanakaw ng 1 ½ kilong karne mula sa isang meat shop sa nabanggit na lungsod.

Kulang kasi ang detalye ng ulat na lumabas sa pahayagan dahil hindi kasi nila marahil itinuturing na importante o kilalang tao sa lipunan si Cartina kaya’t walang halaga na pag-aksayahan pa siya ng panahon.

Naitanong ko lang sa aking konsiyensiya, bakit kaya ito nagawa ni Cartina gayong hindi naman niya ikayayaman ang katumbas na halaga ng karne na kanyang ninakaw?

Kung tutuusin kasi, baka nga hindi pa sapat ang isa’t kalahating kilo ng karne para ipantawid-gutom ng isang pamilya sa buong maghapon.

Ahhh… wala lang siguro siyang matatakbohan, o kaya nama’y ni walang maipambayad ng utang na loob kaya’t nakaisip magnakaw ng makakain.

Kaya mahaba-habang panahon ang bubunuin ni Cartina sa bilangguan kung tuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

At kung walang tutulong kay Cartina na mapiyansahan sa kasong theft ay tiyak na mapapabilang siya sa mga presong mabubulok sa kulungan dahil sa mabagal na pag-usad ng proseso ng bulok na criminal justice system sa bansa.

Naalala tuloy natin ang ginawa noon ni Mayor Antonio Halili ng Tanauan, Batangas at ng kanyang mga alipores sa nahuling nagnakaw ng isdang tuyo sa palengke na ipinarada sa buong bayan para ipahiya.

‘Buti pa si dating senador Jinggoy Estrada na nakulong sa pagbulsa ng daang milyones na pork barrel ay pinayagang makalaya ng Sandiganba­yan sa kasong plunder na walang piyansa.

Si Kim Wong naman ay hindi lamang inabsuwelto kung ‘di itinuring pang bayani sa Senado matapos magsauli ng karampot na bahagi mula sa $81-M na ninakaw sa Bank of Bangladesh.

Nasaan ang maiingay na grupo na nagpapakilalang militante at nagtataguyod sa kapakanan ng mga kababaihan, tulad ng Gabriela?

Bakit nakabibingi ang katahimikan ng mga itinatag na ahensiya ng pamahalaan para ipagmalasakit ang mga nagigipit at minsan ay nakagagawa ng pagkakamali sa kanilang buhay dahil sa kahirapan?

Kumikilos lang ba ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga kaso ng abuso at pagpatay?

Nag-aksaya ba ng panahon ang CHR at ang Department of Social Workers and Development (DSWD) na magsugo ng kinatawan para dalawin sa kulungan si Cartina upang alamin kung bakit niya nagawang magnakaw ng makakain?

At nasaan ang sandamakmak na party-list sa Kamara na pawang nagpapanggap na kumakatawan sa mga marginalized o napapabayaang sektor sa ating lipunan?

Kahit alagang hayop ay nangangagat kung gugutumin, tao pa kaya ang hindi.

Sabi nga, wala raw kinikilalang batas ang kumakalam na sikmura!

ILLEGAL TERMINAL
SA PLAZA LAWTON
TULOY ANG LIGAYA

 

PARANG restoran lang pala ang sistema ng pagpapatakbo ni Chairman Danilo “Danny” Lim sa Metro Manila Development Authority (MMDA).

Inaaksaya lang ni Gen. Lim at ng kanyang mga alipores ang panahon ng publiko na naniniwalang maaaksiyonan ang sumbong at reklamo na ipinararating sa pamamagitan ng FB account at programa ng MMDA sa lingguhang programa sa radio.

Ang inaantay talaga na gustong mabasa at marinig ni Gen. Lim at ng kanyang mga garapata ay pawang papuri sa mga ningas-kugon at kunwa-kunwariang operation ng MMDA na puro pa­labas lang pala, imbes umaksiyon sa mga problema.

Mabilis na sinasagot ni Gen. Lim sa kanyang social media account sa FB ang mga papuri sa kanya pero itinetengga at binabalewala naman ang pag-aksiyon sa mga sumbong.

Kaya naman tuloy ang ligaya nang nagbalik na illegal terminal sa Plaza Lawton na sakop ng Bgy. 659-A na matatandaang binuwag ng MMDA noong nakaraang buwan.

Pero hanggang ngayon ay wala pa ni isang opisyal sa naturang barangay ang nakasuhan si Gen. Lim na tahasang pagkonsinti sa illegal terminal.

Narito ang paulit-ulit lang na sagot na ating natanggap mula sa FB account ni Gen. Lim:

“Naka line up na ‘yang report mo kay Chairman. May mga nauna din po kasi na dapat u­nahin. Hindi naman po agad maaaksiyonan kasi makikipag- coordinate pa sa LGU na may hawak ng Lugar. Patient lang sir maaaksiyonan din lahat. [JCL]”

Ayuuun… parang restoran na “first come, first serve” pala!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *