MAY panibagong bersiyon si Presidential spokesperson Harry Roque sa media kamakalawa tungkol sa umano’y dahilan kung bakit sinibak sa puwesto si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Dionisio Santiago bilang hepe ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Tahimik na sana ang isyu pero marami ang nagulat na biglang naungkat ang pagkakasibak kay Santiago sa DDB.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Roque sa media na, “I would like to confirm that General Santiago was let go by the President not only because of his statements on the mega rehab centers being a mistake.”
Matatandaan na noong unang linggo ng buwan (Nobyembre), sa atas sa kanya ni Pres. Rodrigo “Digong” Duterte ay si Executive Secretary Salvador Medialdea ang nagsabi kay Santiago na magbitiw sa puwesto.
At bago tumulak patungong Vietnam para dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, kinompirma mismo ni Pres. Digong ang mensahe ni Medialdea na ang kontrang pahayag sa Drug Mega Rehab ang sanhi ng pagsibak kay Santiago sa DDB.
Sagot ni Pres. Digong sa tanong ng media kaugnay ng pagbibitiw ni Santiago sa DDB, “He came up with a very incongruous statement that I was offended. He could have asked me for an audience and then tell me all about it. I put you there so you can tell me the problem of our country and teach me if I have any shortcomings. But you do not go to the press and start to blabber.”
Pero bukod sa isyu ng Drug Mega Rehab, may mas mabibigat pa raw na basehan kung bakit sinibak at pinagbitiw si Santiago, ayon kay Roque.
“He was also let go because of complaints, that General Santiago was using taxpayers’ money for junkets abroad. There were also complaints that General Santiago may have accepted consideration from major drug players,” ani Roque.
Isang sulat kay Pres. Digong ang inilabas ni Roque, pirmado ng nagngangalang Priscilla Herrera na nagpakilalang miyembro ng Dangerous Drugs Board Employees’ Union (DDBEU).
Nakapaloob sa nasabing sulat ang sumbong tungkol sa hindi awtorisadong pagbiyahe ni Santiago at pamilya sa Europe, kasama pa umano ang kerida.
Inakusahan din sa liham na si Santiago ay niregalohan umano ng mansion ng mga Parojinog sa Ozamis City.
Paliwanag ni Santiago, ibang tao at hindi siya ang tinutukoy na niregalohan ng mansion ng mga Parojinog.
Pinasinungalingan din ni Jo Ann Desiderio, pangulo ng DDBEU, na wala silang alam sa liham ni Herrera na umano’y ipinadala kay Pres. Digong at sa mga paratang laban kay Santiago na dati nilang boss.
Nalaman lamang nila ang nasabing sulat nang ilabas ito ni Roque sa media kamakalawa, sabi ni Desiderio.
Niliwanag ni Desiderio na luma ang logo sa kinasusulatang stationery ng liham na ipinakita ni Roque sa media dahil may bagong letterhead ang DDB employees’ union.
Ang matindi ay nakapanayam ng media si Herrera at mariing itinanggi na may kinalaman siya sa nasabing sulat.
At ang mas kahindik-hindik, nanindigan si Herrera na hindi niya pirma ang lagda sa liham.
Bagama’t si Herrera ay empleyado ng DDB, hindi siya miyembro ng union at itinangging siya ang nagpadala ng naturang sulat.
Kung gayon, lumalabas na peke ang sulat na ipinakita ni Roque at dahil siya ang may hawak nito ay puwede pa siyang makasuhan.
Saang ilegal na establisiyemento kaya sa kahabaan ng Claro M. Recto ipinagawa ang nasa-bing liham ng paninira laban kay Santiago?
Noong dekada ‘90 ay nauso ang katulad na liham na kung tawagin dati ay “white paper” na ipinamumudmod sa media at malimit gawin ng ilang walanghiyang PR practitioner laban sa mga tao at personalidad na gusto nilang siraan at pagkaperahan.
Bandang huli, pati ilang miyembro ng media na suma-sideline bilang PR ay ginagawa na rin ang pagpapakalat ng poison letter para manakot at magkapera.
Aba’y, delikado pala ang lagay ni Pres. Digong dahil nasa paligid na niya ang mga tunay niyang kalaban na gustong magpalapad ng papel.
Kung sino man ang responsable na nasa likod ng pekeng liham ay dapat paimbestigahan agad ni Pres. Digong!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])