Monday , December 23 2024

QCPD nakaiskor ng tandem

NAPATAY  ba? Ang alin? Ang riding-in-tandem na naharang ng Quezon City Police District (QCPD) sa inilatag na checkpoint laban sa kriminalidad sa lungsod?

Teka ba’t naman mamatay, e puwede naman arestohin nang buhay lalo kung hindi naman nanlaban ang tandem?  Bukod dito, hindi naman mamamatay-tao ang mga pulis ng lungsod maliban kung talagang kinakailangan…pata ipagtatanggol ang saliri.

Ngunit, hindi pa man nagbigay ng direktiba laban sa tandem si PNP chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, (nang tanggalin ng Pangulo sa PNP ang kampanya laban sa droga), pinaigting na ni QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang kampanya laban sa tandem na kumikilos sa lungsod.

Isa sa naging paraan ng QCPD para masawata ang tandem, karnaper, holdaper, at iba pa sa lungsod ay sa pamamagitan ng paglalatag ng checkpoints hindi lang sa gabi kundi 24 oras.

Hindi lamang sa maiinit na lugar na posibleng dinaraanan ng mga bandido naglalagay ng checkpoint ang QCPD kung hindi maging sa lugar na hindi inaasahan ng masasamang elemento.

Bukod sa paglalatag ng checkpoint, 24 oras din may mga pulis na nagpapatrolya sa lahat ng sulok ng Kyusi, gamit ang mga bagong police mobile car at motorsiklo na bigay kamakailan ni QC Mayor Bistek sa QCPD.

Ops, teka mali yata. Koreksiyon, bigay pala ng mamamayan ng lungsod sa QCPD at ipinadaan lang kay Mayor Bistek. Yes, inuulit ko, hindi galing sa bulsa ni Bistek o ni City Administrator Alvin Cuna, ang ipinambili sa mga mobile car at motorcycle kundi sa mamamayan ng lungsod.

Malinaw ba? Mabuti na iyong malinaw sa lahat ang lahat kaysa kasinungalingang news na si Bistek ang nagbigay nang lahat.

Bagamat, tayo’y nagpapasalamat pa rin kay Mayor Herbert  Bautista sa kanyang effort na maglaan ng pondo para sa mga sasakyan mula sa pera ng bayan.

Pero sana nga lang, walang kumita sa ginawang pagbili sa mga sasakyan. Wala naman, ‘di ba Mr. Cuna?

Anyway, bunga nang pinaigting na kampanya ni Eleazar laban sa tandem sa Kyusi, hindi lang pipitsuging tandem ang nadakip sa checkpoint na inilatag ng Talipapa Police Station 3 na pinamumunuan ni Supt. Danilo Mendoza, kung hindi, wanted na ang naaresto.

Sa pagkakaaresto sa isa sa tandem na si Eric Dalmacio,  dalawang kaso ang nalutas ng QCPD. Ang dalawang kaso ay panghoholdap sa isang bakery sa lungsod nitong 11 Oktubre 2017, at ang pagpaslang sa isang grade 10 pupil nitong 25 Oktubre, sa kanto ng General Avenue, at Congressional Road, Proj 8, QC.

Hinoldap at pinatay ni Dalmacio at kasama niya, si Kevin Reantaso habang naglalakad pauwi mula sa isang birthday party.

Pero makalipas ang tatlong araw, bunga ng paglalatag ng PS 3 ng checkpoint malapit sa pinangyarihan ng krimen, nadakip si Dalmacio na napadaan sa lugar. Nang harangin si Dalmacio para beripikain, nakuha sa kanya ang baril na walang lisensya kaya dinala sa presinto.

Sa imbestigasyon, dahil sa tattoo sa braso ni Dalmacio, siya ay positibong kinilala ng mga saksi na isa si Dalmacio sa tandem na nangholdap at pumatay sa estudyante.

Meaning, case solved! Meaning, effective ang kampanya ng QCPD laban sa tandem sa Kyusi.

Masuwerteng Dalmacio at hindi nanlaban, kung hindi humabol siya sa 2017 Undas. He he he…hindi naman mamamatay tao ang QCPD ha. Oo naman.

Anyway, saludo tayo sa QCPD sa magandang trabahong ito. Patunay na hindi pinapabayaan ng QCPD ang lungsod o seguridad ng mamamayan.

Gen. Eleazar, Supt. Mendoza at sampu ng inyong mga tauhan sa PS 3, mabuhay kayo! Salamat sa inyong serbisyo.

At kayong mga tandem naman, tumigil-tigil na kayo at baka, may paglalagyan kayo. Huwag lang kayong manlaban ha?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *