NAKAPUSLIT man sa Thailand patungong Dubai, itinuloy ng korte sa nasabing bansa ang pagbasa ng hatol kay dating Prime Minister Yingluck Shinawatra, at nasentensiyahang guilty sa pagpapabaya sa kanyang tungkulin nang pairalin ang isang rice subsidy scheme.
Sampung taong pagkakakulong ang hatol kay Shinawatra na nabigong humarap sa korte noong 25 Agosto 2017.
Ang rice-buying scheme ay nangyari noong 2011, na nangakong magbabayad sa mga magsasaka nang mas mataas kaysa umiiral sa merkado.
Malaking halaga ng kuwarta ang inireklamong nasayang para lamang mangrahuyo ng boto mula sa rural voters, maprehuwisyo ang exports at nag-iwan ng malaking pila ng bigas na hindi naibenta.
Nakabibilib ang Thailand sa pagpapairal ng batas. Mantakin ninyong hindi naman ibinulsa, napunta rin naman sa batayang masa ang pondo pero dahil labag ito ay nakulong ang dating Prime Minister.
Dito kaya sa ating bansa, kailan mangyayari ang ganyang pagpapairal ng batas?!
Ang daming gahaman, magnanakaw at tiwali ang hanggang ngayan ay nagpapasasa pero hindi pa rin napaparusahan ng batas.
Mayroon ngang mga naikulong na dahil sa plunder pero kapag nag-iba ng Pangulo ay nakalalaya rin.
Only in the Philippines!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap