PINIRMAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magbibigay ng libreng tuition sa state universities at colleges (SUCs), nitong Huwebes, ayon kay Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra.
Pinirmahan ni Duterte ang batas, sa kabila ng pag-aalangan ng ilang miyembro ng economic team niya sa gagastusin ng gobyerno upang pasanin ang libreng tuition.
Nauna nang sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno, maaaring hindi kayanin ng gobyerno na pasanin ang libreng tuition sa SUCs, at maaaring maglabas ng P100 bilyon ang gobyerno kada taon para rito sakaling maging batas ang panukala.
Isinaalang-alang aniya ng pangulo ang pangmatagalang epekto at benepisyo na idudulot ng libreng tuition sa publiko, ayon kay Guevarra.
Dagdag ni Guevarra, maaaring ibinase ni Diokno ang kanyang kalkulasyon sa pag-aakalang ipatutupad nang sabay-sabay ang lahat ng aspekto ng batas, kasama na ang non-mandatory provisions.
Base sa datos ng Commission on Higher Education, kakailanganin ng inisyal na halagang P16 bilyon upang maipatupad ang mga kondisyon ng batas, gaya ng libreng tuition at miscellaneous fees, ani Guevarra.
Pinag-uusapan na rin sa Kongreso ang 2018 budget, na kailangan din isaalang-alang ang bagong pirmadong batas, dagdag niya.
Umaasa ang gobyerno na makatatanggap ng tulong at grants mula sa mga lokal at international donors para maipatupad ang batas.
Epektibo man ang batas, 15 araw matapos itong maimprenta sa diyaryong may pangmalawakang sirkulasyon sa bansa, mararamdaman ang mga benepisyong dulot nito sa susunod na enrollment.
Magtatatag ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education board ng pondo upang magbigay ng tulong pinansiyal para sa iba pang gastusin sa pag-aaral, gaya ng mga libro, matitirahan ng estudyante, student loans, at scholarships.
Ang mga bibigyan ng tulong-pinansiyal sa pag-aaral bukod sa libreng tuition ay iyong mga ‘bottom 20 percent’ ng mga estudyante, o iyong mga nasa pinakamababa ang estado sa buhay.