SA Lunes na gagawin ang ikalawang SONA (State of the Nation Address oTalumpati sa Kalagayan ng Bansa) ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya naman natanong ang magaling na director na si Brillante Mendoza ukol dito.
Tulad din noong unang SONA, si Direk Brillante pa rin ang magdidirehe ng ikalawang SONA at aniya, ibabase niya ang direksiyon niya sa speech ng Pangulo.
“Ang Importante sa SONA ay ang mensahe nito, hindi ‘yung kung ano ang magiging direksiyon ko,” panimula ng premyadong director sa presscon ng isa na naman niyang obra na tampok sa Brillante Mendoza Presents: Kadaugan na mapapanood sa TV5 simula July 30. “Pareho pa rin naman ang temang gagawin ko, naka-black and white siya,” dagdag pa nito.
Samantala, itatampok ang makulay na pagdiriwang ng Piyesta ng Kadaugan sa Mactan, Cebu, ang bagong episode ng Brillante Mendoza Presents: Kadaugan. Ito ay kuwento ng isang babae at ng puso nitong dumaan sa napakaraming pighati at pagsubok sa buhay at pag-ibig.
Ipinakikita ng Kadaugan ang katatagan ng mga Pinoy sa kabila ng mga pagsubok na dumaraan sa buhay. Isa rin itong pagpupugay sa mga nanay at isang matapat na pagpapakita ng pagka-makapamilya at ang mainit na pagtanggap ng mga Filipino sa mga bisita.
Sa episode na ito ng Brillante Mendoza Presents, tampok si Tere, isang Cebuana at ang kanyang pagkikipagsapalaran sa buhay, pag-ibig, at sa pagiging single mother. Tampok sa Kadaugan ang Cebuana atress na si Dionne Monsanto at si Daniel Marsh ng Juan Direction.
Isa na naman ito sa mga ‘di matatawarang obra maestra ni Mendoza na matagumpay na naipakita ang tradisyon ng mga Filipino pagdating sa pag-ibig at pagiging magiliw sa mga bisita. Handog din ito ng TV5 na patuloy na maghahatid ng mga dekalibreng palabas na hindi lamang nakapagpapasaya sa mga Filipino kundi nagbibigay din ng aral sa mga nanonood nito. Tunghayan ang nakaaantig-pusong Brillante Mendoza Presents: Kadaugan sa July 30 pagkatapos ng Turning Point sa TV5.
Kasama rin sa mga tampok dito sina Matt Daclan, Albert Chan Paran, Suzette Ranillo, Keanna Reeves, at Gloria Sevilla.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio