UMABOT sa 50 kababaihan mula sa National Housing Authority (NHA) relocation site sa Naic, Cavite ang lumahok sa plushie-making seminar na isinagawa ng Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance (Villar SIPAG).
Sa naturang programa ay nakatakdang sanayin sa paggawa ng handmade plush toys at unan ang mga lumahok na dating Las Piñas informal settlers.
Ayon kay Senadora Cynthia Villar, director ng Villar SIPAG, ang pagtuturo ng livelihood ay isang oportunidad para sa mga ina ng tahanan dahil maaari nilang gawin sa bahay ang naturang kabuhayan na makatutulong sa mga residenteng na-relocate.
“We want our women to benefit from these training programs so that they can earn without the need to leave their children behind or sacrifice their responsibilities as homemaker,” ani Villar.
Nakipagtulungan ang Villar SIPAG sa Higos Project isang maliit na enterprise sa Naga City na naglalayong ibahagi ang kanilang kakayahan sa mga maybahay na walang hanapbuhay, out-of-school youth at mga samahang nagnanais mag-invest sa bagong livelihood na hindi nangangailangan ng malaking investments.
Tinaguriang plush toys ang handmade plushies na malalambot na unan o laruan at may kaaya-ayang disenyo.
Popular sa merkado sa kasalukuyan ang handmade plushies na maganda rin pangregalo at collection items sa mga bata at matatanda na maaaring ibenta sa abot-kayang halaga.
Tinatayang maibebenta ang isang produkto sa halagang P60 hanggang P350 depende sa laki at disenyo.
Nakapaloob din sa training ang demonstration ng trainers at hands-on activities at bawat kalahok ay pagkakalooban ng basic entrepreneurship development training, financial literacy at aral sa pagsisimula ng negosyo.
Matapos ang programa o training ay mag-uuwi ng kanya-kanyang business starters’ kit ang 50 kababaihang lumahok. (NIÑO ACLAN)