ISA kami sa humanga kay L. A. Santos (Leonard Antonio), dahil sa napaka-positibong pananaw nito sa buhay. Na bagamat ipinanganak na may Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD), hindi iyon naging hadlang para matupad ang pangarap niya.
Noong Martes, inilunsad si L.A. bilang pinakabagong recording artist ng Star Music kasabay ang paglulunsad ng kanyang self-titled album. Noong Disyembre lamang pumirma ng kontrata si L.A. sa Star Music at naitampok na ang kanyang inspiring story sa Rated K.
Inspiring dahil ayon sa kuwento ng kanyang inang si Florita Santos, isang Certified Public Accountant (CPA), ang musika ang nakatulong sa kondisyon ng kanyang anak para itoý ma-control.
“Na-diagnose siya na may ADHD four years old pa lamang. Mayroon siyang first stage of autism. Ang autism at ADHD ay life-long condition. You can’t treat it. You just have to do something na makalimutan ng bata na may ganoon siya,” kuwento ni Mommy Florita kasunod ang pagsasabing, sobra-sobra ang pasalamat niya na nagkaroon ng pagkakataong maging recording artist ang kanyang anak.
Kaya naman ganoon din ang sobra-sobrang pasasalamat ni L.A. na natupad ang kanyang pangarap na noong una’y ang pagbabasketbol ang hilig niya.
“Thankful ako kay Lord, very thankful to my mom at sa lahat ng tumutulong na mangyari ito. Hindi ko kakayanin na gawin mag-isa ito. I know not every person gets this chance po na maging Star Music artist or mag-release ng album po, kaya no words can explain how much I’m feeling grateful,” tugon nito.
Ani L.A. umaasa siyang magiging inspirasyon siya ng mga katulad niyang may ADHD.
“Gusto ko sa part ko na maging inspiration sa mga tao. Kasi usually ang iba maggi-give up, parang ‘di nila ginagawan ng paraan. Gusto ko maging image para sa kanila na lahat ay puwedeng mangyari,” sabi pa ni L.A. na nagamot ang kanyang kondisyon sa edad 12.
“So I encourage him to sing. Music does have a great healing effect and LA owes his recovery to music,” kuwento pa ng kanyang ina na nalamang may talent pala sa pagkanta ang anak nang pakantahin sa birthday ng kanyang lola.
Nalaman naming, sa edad anim pa lang nakapagsalita si L.A.. Nakatulong sa kanyang anak ang pag-alalay din sa kondisyon nito. At siyempre ang walang sawang pagsuporta at pagmamahal ang malaking naitulong para maging normal ang kondisyon ng bata.
“I encourage him to be preoccupied with something, especially after school. I would tell him to imitate his sister who is a model and to play basketball with his brother. More than the medicine he was taking, what’s important is family support,” giit pa ng ina ni L.A.
Ngayoý 17 taong gulang na si L.A. at walang bakas na mayroon siyang ADHD. Lalo pa kaming humanga kay L.A. nang iparinig niya ang ilan sa mga kantang nakapaloob sa kanyang album dahil maganda nga ang boses niya. Tama ang tinuran ni Jonathan Manalo ng Star Music, may potensiyal si L.A. at may future siya sa pagkanta.
Ilan sa mga awiting nakapaloob sa self-titled album ni L.A. ay ang Miss Terror, Mine, Ikaw Kasi, Bakit Ang Pag-Ibig, Hanggang Kailan, When I Was Your Man, Forever’s Not Enough, One Greatest Love, at Tinamaan.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio