AMINADO si Sylvia Sanchez na emotional siya nang pag-usapan ang ang respeto at pagmamahal ng taong ibinigay sa kanya sa kauna-unahang pinagbidahang teleserye, ang The Greatest Love.
“Iba ang ginawa ng ‘TGL’ sa buhay ko, sa career ko, for 27 years, ito ‘yung nag-angat sa akin. Ito ‘yung nagpakita ng kakayahan ko bilang artista,” panimula ni Sylvia sa thanksgiving presscon kahapon ng The Greatest Love.
“Marami na akong naging projects, teleserye, movies, pero ito ‘yung pinaka. Ito ‘yung sabi ko nga, ito ‘yung bonding ko sa mga apo ko and actually para malaman n’yo umorder pa ako ng album ng wedding, as in totoong album na para akong ikinasal kay Peter (Noni Buencamino), from day one hanggang ngayon naka-record ito sa akin. Gusto ko kompleto ako. Gusto ko kapag marami na akong apo nasa isang sofa na lang ako, ito ang ipagmamalaki ko.
“Ito ‘yung sasabihin ko sa mga apo ko na ito ‘yung pinakamagandang ginawa ko. Ito ‘yung kahit saang mundo ako pupunta, ito ang bitbit ko The Greatest Love.
“Ito ang nagpakilala sa akin sa lahat ng tao, sa kakayahan ko bilang artista,” giit ni Ibyang (tawag kay Sylvia).
PAGMAMAHAL
AT RESPETO,
NATANGGAP
Lubos din ang pasasalamat ni Sylvia sa magandang pagtanggap ng mga manonood mula noon hanggang sa pagtatapos nito.
“Hindi ko malilimutan ang ipinaramdam sa aking pagmamahal at respeto bilang tao at artista ng mga manonood,” sabi ni Sylvia.
“Malungkot ako dahil maghihiwa-hiwalay na kami. Pero masaya rin ako kasi matatapos ang teleserye ng maganda at gusto ng lahat,” dagdag pa niya.
Dahil nga sa nakaaantig na kuwento ng serye, mas naging matibay pa ang pagmamahal ni Sylvia sa kanyang pamilya at nabago ang paniniwala sa pag-ibig.”Mas lalong pinagtibay ang paniniwala ko na ang pamilya ang pinakaimportante sa mundong ito. Wala rin sino mang makahaharang sa taong tunay na nagmamahalan,” sabi niya.
Tinututukan tuwing hapon ng mga manonood ang mga madadamdaming eksena ngThe Greatest Love, kaya naman patuloy itong nangunguna sa national TV ratings. Nagkamit na nga ang serye ng all-time high national TV rating na 20.4%. Araw-araw din itong trending topic sa social media at umaani ng libo-libong tweets mula sa netizens.
Samantala, naging daan din ang serye sa pagbibigay kaalaman sa sakit na Alzheimer’s disease sa isinagawang nitong forum na Remembering Our Greatest Love: An Alzheimer’s Disease Awareness Forum sa tulong ng Alzheimer’s Disease Association of the Philippines (ADAP).
At sa nalalapit nitong pagtatapos sa Abril 21 (Biyernes), mas marami pang dapat abangan dahil marami pang rebelasyon ang gugulat at magpapaiyak sa mga manonood na dapat tutukan ng lahat.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio