HUWAG daw ipangalandakan ng isang kontrobersiyal na babaeng personalidad na libre ang kanyang naging serbisyo sa mga pagtatanghal na ginawa niya para suportahan ang kandidatura ng kanyang ibinotong lider noong nakaraang eleksiyon.
“Magtigil siya sa ilusyon niya, ‘no! Ang totoo niyan, ‘yung ibang nangampanya ang ‘di nagpabayad, pero siya…oooyyyy!” paglilinaw ng aming source.
Sa katunayan, bawat sampa raw sa entablado ng bida sa kuwentong ito ay may katapat na talent fee. “Beinte mil ang ibinayad sa kanya at sa grupo niya, ‘no! Bilangin mo kung ilang beses siyang nag-perform sa loob ng campaign period, ‘di ba, tiba-tiba ang hitad? Kaya plis lang, huwag na niyang ipinangangalandakan na labor of love ‘yung performance niya! Kung duda kayo sa tsika ko, tanungin mo ‘yung iba niyang mga nakasabay mag-perform. May exclusive spot pa nga siya sa dressing room na hindi puwedeng okupahan ng ibang performer, ‘no!”
Da who ang kontrobersiyal na female personality na ito na nagbunga ang suporta sa kanyang ikinampanya? Itago na lang natin siya sa alyas na Monica Tuazon.
(Ronnie Carrasco III)