ISA sa mga ikinatutuwa natin sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ‘e ‘yung pagiging lohikal o makatuwiran nila — o para sa mas mabilis na pagkaunawa, tinuturan ng Pangulo ang sambayanan na gamitin ang kanilang common sense.
Hindi gaya ng mga pa-intelektuwal na administrasyon na kunwari ‘e tahimik lang at deep thinker pero sa totoo lang puro panggugulang ang alam.
Isang eksampol ngayon ang kaso ni Jack Lam, ang Macau gambling tycoon na may-ari ng Fontana Leisure Parks & Casino sa Clark, Angeles, Pampanga.
Dito nadakip ang 1,316 Chinese nationals na nagtatrabaho sa mga online casino.
Ayon kay Bureau of Internal Revenue (BIR) chief, Cesar Dulay, matagal nang niloloko ni Jack Lam ang gobyerno. Ni isang kusing ay hindi nakinabang ang gobyerno sa kanyang mga negosyo sa bansa.
Sa mga suki natin, alam nila na matagal na nating binabanatan at kinakalampag ang mga online gambling, casino junket operations at rolling scheme na namamayagpag sa mga casino gaya sa Solaire, Resorts World Casino, City of Dreams, Midas Casino at Pagcor casinos.
Kumikita sila, lalo na ang mga dayuhan nang limpak-limpak na salapi pero walang pakinabang ang gobyerno. At sa kabila nang ganyang sistema, hindi ‘yan inire-report ng mga casino dahil siyempre nakikinabang sila sa junket operators.
Sa wakas, may isang Pangulo ng bansa na nakita ang panggugulang ng mga kagaya ni Jack Lam.
Suportado natin ang panawagan ng Pangulo na ipasara na ang mga online gambling casino.
Isunod na rin ang mga online sabong na namamayagpag ngayon sa internet.
At higit nating sinusuportahan na buwagin ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), paimbestigahan at i-lifestyle check ang mga opisyal!
Go Digong go!