Monday , December 23 2024

Nag-aala Tarzan si Sen. Tito Sotto

00 Kalampag percyAKALA yata ni Sen. Vicente “Tito-Eat Bulaga” Sotto III ay siya si Tarzan na dinadagukan ang dibdib habang ipinagsisigawang hindi kinikilala ng Senado ang dismissal order laban kay Sen. Joel Villanueva na ibinaba ng Office of the Ombudsman.

Matatandaang ipinag-utos kamakailan ng Ombudsman ang pagsibak kay Bulsanueva, este, Villanueva kaugnay ng pagdispalko at maling paggamit sa kanyang pork barrel fund noong siya ay kinawatan, este, kinatawan pa ng CIBAC partylist sa Kamara noong taong 2008.

Lumilikha ng Constitutional crisis si Sotto at ang Senado dahil sa tahasang paghamon sa kapangyarihan ng Ombudsman na dapat nilang irespeto.

Sabi ng kanilang ‘magaling’ na abogadang si Ma. Valentina Cruz, wala raw raw kapangyarihan ang Ombudsman na magdisiplina sa mga miyembro ng Kongreso batay sa Section 21 ng Republic Act 6770 o Ombudsman’s Act of 1989 (Rules of Procedure, Section 2, Rule III).

Paano naman ang Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) na sumasaklaw sa lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa matataas na opisyal sa lahat ng sangay ng pamahalaan?

Kesyo may motion for reconsideration (MR) na inihain at hindi pa pinal ang ibinabang dismissal order laban kay Villanueva.

Bakit ‘yung mabibigat ang kaso o krimen, isa riyan ang pagnanakaw, ay agad ibinibiyahe sa mga National Penitentiary tulad ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa oras na naibaba ng mababang hukuman ang sentensiya habang naghihintay ng pinal na desisyon ng Court of Appeals o Korte Suprema?

Ibig bang sabihin ni Sotto at ng mga senador, mali ang proseso ng batas?

Kung ‘yun ngang karaniwang robbery ay itinuturing na mabigat na kaso, ‘di lalong mas mabigat na kasalanan ang magnakaw ng pera ng taongbayan kaya nga itinatag ang Ombudsman at Sandiganbayan para sa mga magnanakaw sa pamahalaan?

Hindi ba ‘yan din ang napahiya nilang argument sa 90-day suspension order ng Sandiganbayan laban kay Sen. JV Ejercito na unang sinupalpal ng Korte Suprema?

Mismong Senado ang nakikialam sa trabaho ng Ombudsman at humahadlang na maipatupad ang batas.

Hinihintay siguro ni Sotto at ng ibang senador na kaladkarin si Bulsanueva, este, Villanueva palabas ng Senado kapag nag-atas ang Ombudsman sa mga pulis o mga kagawad ng law-enforcement agencies ang magpatupad sa kanilang dismissal order.

Hindi ba paglikha ng Constitutional crisis at paggiit ng sariling gusto laban sa kautusan ng batas ay katumbas ng open rebellion na walang ipinagkaiba sa mga naglulunsad ng kudeta?

Tanging Korte Suprema lang ang may poder na mag-interpret o makapagsasabi ng pakahulugan kung may kuwestiyon sa batas, hindi ang Senado o sinomang abogado na hindi naman mahistrado.

Palibhasa, halos lahat ng nakaupong mambabatas sa Senado ay may sabit sa PDAF scam kaya sinusubukan nilang sukatin kung hanggang saan nila magagamit ang kanilang kapangyarihan para protektahan ang kanilang pansariling interes.

Mas makabubuti kung maghain na lang ng panukalang batas si Sotto na ginagawang legal ang pagnanakaw sa pondo ng gobyerno na kapag naipasa ay tatawaging Republic Act 1-2-3.

PEKE ANG MAYOR
PATI BOMBA PEKE

ISANG hinihinalang improvised explosive device (IED) ang natagpuan kamakalawa malapit sa Manila City hall.

Pero natuklasang peke ang dinamita dahil gawa lamang pala ito sa karton.

Sinong makapagsasabi na hindi ang mismong kampo rin ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang may pakana sa malaking kalokohan para makuha lang ang atensiyon ni Pang. Rodrigo R. Duterte?

Masyado kasing mainit ang issue sa ipinoprotestang paglapastangan at pagpapagiba sa Rizal Memorial Coliseum kaya gusto sigurong makalapit kay PRRD para idiga ang malasado nilang transaksiyon ng negosyanteng si Enrique Razon, ang may-ari ng Solaire Casino sa Parañaque.

Balak niya sigurong gamitin ang tangkang pasabog kuno at kausapin siya ng pangulo at saka ididiskarte ang pagbebenta sa Rizal Memorial Coliseum na tinututulan ng mga mamamayang nagmamahal at nagmamalasakit sa mga national heritage o pamana ng kasaysayan.

May nagtanong sa atin kung bakit daw kaya peke at hindi tunay ang natagpuang bomba?

Ang tanging naisagot ko: Peke kasi ang mayor kaya peke rin ang bomba.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *