Saturday , November 23 2024

Mayor Lim pinapurihan at idinepensa si PDU30

00 Kalampag percyPINAPURIHAN ni Manila Mayor Alfredo Lim ang kampanya na inilunsad ng kasalukuyang administrasyon kontra ilegal na droga sa bansa.

Ipinaabot ni Mayor Lim ang kanyang pagbati sa matagumpay na kampanyang inilunsad ni Pang. Rody Duterte sa ginawang panayam sa kanya noong Biyernes ng umaga sa malaganap na programang ‘Lapid Fire’ ng inyong lingkod na napapakinggan araw-araw, Lunes hanggang Biyernes, 9:00 am – 10:00 am, sa sikat na himpilang dzRJ-Radyo Bandido (810 Khz) at sabayang napapanood sa 8Tri-TV via Cablelink TV Channel 7.

Sinabi ni Mayor Lim na ang tagumpay ng kampanya ay dahil na rin sa matatag na paninindigan ni Pang. Duterte na masugpo ang malalang kriminalidad sa bansa at talamak na problema sa illegal drugs.

Hindi lamang aniya siya kung ‘di ang nakararaming law-abiding at peace-loving citizen ay kumporme sa pamamaraan na ginagawa ng kasalukuyang pamahalaan upang maiwasto ang rule of law sa bansa.

Ayon kay Mayor Lim, marami sa kanyang nakakausap ang nagpapahayag ng suporta at umaasang ipagpapatuloy ni Pang. Duterte at ng kanyang administrasyon ang matagumpay na kampanya kontra krimen at ilegal na droga.

Kaya naman kompiyansa si Mayor Lim na tuluyang malulumpo ang malaking sindikato dahil isa-isa nang natutunton kung sino ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan na nagsisilbing protektor at mga kasabwat nila kaya lumala ang ilegal na droga sa bansa.

Idinepensa rin ni Mayor Lim si Pang. Duterte sa akusasyon ng extra judicial killing (EJK) at human rights violations.

Naniniwala si Mayor Lim na ang mga sangkot sa ilegal na droga rin ang posibleng nasa likod ng mga inimbentong paratang laban sa pangulo.

Matatandaan, nang unang maluklok na alkalde si Lim noong dekada ‘90 ay parang winalis at naitaboy palabas ng Maynila ang mga tulak ng droga kasunod ng “shame campaign” na kanyang inilunsad laban sa  suspected drug pushers.

Nagtagumpay ang isinagawang “spray painting” ni Mayor Lim sa bahay ng drug peddlers at pushers sa lungsod.

Pero tulad ni PDU30, si Mayor Lim ay inakusahan din noon ng paglabag sa karapatang pantao at kalaunan ay nakasuhan pa nga sa hukuman.

Paliwanag ni Mayor Lim, si Pang. Duterte ay tulad niya rin na isang abogado at naging piskal kaya’t alam niyang naayon sa batas ang kanyang ginagawa.

Binigyang-diin ni Mayor Lim na hindi krimen na ipagmalasakit ang kapakanan ng bansa kung ‘di dakilang simulain na dapat hangaan.

Ipinunto ni Mayor Lim na kung may sampu pa aniyang katulad si Pang. Duterte sa pamahalaan na kasama niyang maninindigan sa rule of law ay siguradong tatahimik at uunlad ang bansa.

Ang peace and order at ekonomiya ay intertwined o kambal na hindi mapaghihiwalay, dagdag ni Mayor Lim.

MICP COLL. PASCUAL
TAPAT SA PERA

PINAGPALA sa ‘di lang pinagpalang nilalang na maituturing itong si Mel Pascual, ang kasalukuyang acting district collector ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP).

Napakahaba ng kanyang suwerte kompara sa kanyang mga kasamahan na kung ‘di man tuluyang masibak sa serbisyo ay pansamantalang mawawalan ng puwesto tuwing magpapalit ang administrasyon.

Walang patid ang suwerte ni Pascual na sa pagkakatanda natin ay siya lamang ang bukod-tanging hindi napasama sa matatas na opisyal ng BOC na ipinatapon sa Customs Policy Research Office (CPRO) ng Department of Finance (DOF) mula noong 2010 hanggang matapos ang termino ni PNoy.

Sa pagkakaalam natin, naging tauhan siya ni Larry Palad at ni Deputy Commissioner Rey Nicolas.

Nagsilbi siyang hepe noon ng Formal Entry at kalaunan ay naitalagang hepe ng Assessment sa MICP.

Malaki na ang sakripisyo niya sa BOC kahit sa panahong umaariba ang smuggling dahil sa kanyang malasakit at katapatan.

Nagsilbi rin siya kay dating Dep. Com. at ngayo’y Congressman Toto Suansing.

Kaya tayo naman ay naaawa kay Pascual dahil mukhang hindi proportionate ang kanyang kinikita kapalit ng kanyang walang kapagurang pagseserbisyo upang mapalaki nang husto ang kanyang koleksiyon.

Daig ni Pascual ang bayaning si Hen. Antonio Luna pagdating sa pagmamahal sa bayad, este, bayan.

Sana, ang mga tulad niyang tapat sa pera ay binibigyan din ng kaukulang pagkilala ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng DOF at ng Ombusdman.

Hindi lamang mga nagpapayaman at nagnanakaw sa Customs ang isinasalang sa lifestyle check kung ‘di pati ang mga tulad ni Pascual.

At sana, isalang din ng RIPS si Pascual sa lifestyle check na kahit sa mga smuggler ipagtanong ay tiwala sa kanya.

Ano’ng malay n’yo, kung gagawin ‘yan ng RIPS at Ombudsman ay baka mapagtantong kailangan pa nga siyang dagdagan at taasan ng suweldo bago man lamang siya itanghal na santo ng Vatican.

Ayos ba, Kolektor Mel Pascual?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

kalampag – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *