Monday , December 23 2024

Si Hen. Macario Sakay at Mayor Alfredo Lim

00 Kalampag percyBUKAS, September 13, ay ika-109 taon ng kamatayan ni Hen. Macario Leon Sakay, ang kahuli-hulihang heneral na katipunero ng Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan (KKK) ng mgaAnak ng Bayan sa Tondo.

Mahalagang bahagi ng kasaysayan at ‘di dapat malimutan ang ipinamalas na kabayanihan at pagmamahal sa bayan ni Sakay noong digmaan sa pagitan ng mga Filipino at Amerikano.

Makalipas ang 101 taon ay saka lamang siya nabigyan ng kaukulang parangal.

Walong taon ang nakararaan, pinasinayaan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang ipinatayo niyang monumento ng bayaning si Hen. Sakay sa Plaza Morga, Tondo, Manila.

Tulad nina Rajah Soliman, Magat Salamat, Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, si Sakay ay isinilang at lumaki sa Tondo noong 1870.

Taong 1894 nang sumapi si Sakay sa KKK para lumaban sa mga Kastila.

Kanyang ipinagpatuloy ang pakikidigma at ayaw niyang pasakop sa mga Amerikano dahil ganap na kalayaan ng sambayanan laban sa pananakop ng mga dayuhan ang nais niya.

Noong Nobyembre 1902, nagpasa ng batas ang pamahalaang Amerikano sa bansa sa pamamagitan ng Philippine Commission.

Sa ilalim ng ipinasang batas na Bandolerism Act, lahat ng lalaban at hindi pasasakop sa gobyerno ng Amerikano sa bansa ay ituturing na mga bandido at magnanakaw kaya lilitisin sila sa hukuman.

Sa galit ni Sakay, nagpalabas siya ng kalatas para ianunsiyo ang pagkatatag niya ng Republika ng Katagalugan na siya ang Pangulo.

Uso na rin noon ang demolition job kaya ipinakalat ang balita na si Sakay at ang kanyang pangkat na sumagupa para palayasin ang mga Kano sa bansa ay pinaratangang bandido at mga magnanakaw.

Pero sa bandang huli, binitay din siya ng mga dayuhang Kano matapos ipagkanulo ni Dominador Gomez, isang lider-manggagawang Filipino na traydor sa bayan.

Napaniwala siya ni Gomez na ibibigay ng mga dayuhang Kano ang kanyang mga kahilingan kapalit ng pagsuko ng kanyang pangkat.

Inaresto si Sakay noong 1906 at ikinulong sa Old Bilibid (Manila city jail ngayon) at noong Setyembre 13, 1907, siya at si Col. Lucio de Vega ay binitay.

Narito ang bahagi ng liham at mensahe ni Sakay sa sambayanan kaugnay ng maling paratang na ipinakalat laban sa kanya at mga kasamahan bago siya nabitay:

“Maaga man o huli ay dumarating sa ating lahat ang kamatayan, kaya mapayapa kong haharapin ang Maykapal. Subalit nais kong ipahayag na hindi kami mga bandido o mga magnanakaw tulad ng sinasabi ng mga Amerikano kundi mga kasapi ng puwersang rebolusyonaryo na nagtatanggol sa ating bansa, ang Pilipinas! Mabuhay ang Republika at isilang sana ang ating kalayaan sa kinabukasan.”

Tama si Pang. Rody na dapat muna tayong humanga sa ating sarili bago kay Barrack Obama.

Kabilang si Sakay sa biktima ng atrocities at human rights violation na pinatay dahil sa marubdob na pagmamahal sa sariling bansa at mamamayan.

‘Buti na lang, may mga gaya pa ni Pang. Duterte at Mayor Lim na ‘di nagmamaliw ang pagpapahalaga sa mga taong nagmahal, lumaban at nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan.

PDU30, SINISINDIKATO
SA P100-M DRUG REHAB
NINA ERAP AT DIOKNO?

HINDI lamang sa matagumpay na kampanya kontra ilegal na droga nakatuon ang ipinangakong pagbabago ni Pang. Rody Duterte at ng kanyang administrasyon.

Galit din siya sa mga mandarambong kaya humanda na ang mga kawatan sa pamahalaan na ayaw pang tumigil hangga ngayon sa bisyo nilang pagnanakaw sa pondo ng bayan.

Kung nag-aalala si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada para kay Jude na mapabilang sa listahan ng mga local government officials na sabit sa ilegal na droga ay dapat din siyang mangatog kapag inilunsad ang kampanya laban sa mga mandarambong.

Kaduda-duda rin ang binabalak sa ipinalathala pang hirit kay PDU30 kamakailan na P100 milyong budget para raw sa pagtatayo ng drug rehabilitation center sa compound ng Boystown na pag-aari ng Maynila sa Marikina city.

Kung walang lihim at maitim na balakin, bakit kay PDU30 hihingi ng saksakan nang laking pondo gayong ilang buwan ang nakararaan ay ipinagyabang ni Erap na magpapatayo siya ng rehab sa Boystown?

Katunayan, isa sa mga anak niya kay Laarni Enriquez ang pinalilitaw niyang may inisiyatibo ng proyekto. (Ang hindi lang natin alam, kung ang tinutukoy ni Erap na anak ay dating live-in partner ng isang aktor na kalalaya lang sa rehab).

Alin sa dalawa, una, ginagamit ni Erap ngayon ang rehab project na pang-uto para mapadikit siya kay PDU30?

Pangalawa, hindi siya naniniwala na talagang galit si PDU30 sa mga magnanakaw ng pondo ng bayan?

Baka naman kaya ang dating tauhan niyang si Budget Secretary Benjamin Diokno na nakasampay ngayon kay PDU30 ang nagpayo sa kanya na humirit kung makalulusot?

Hindi maglalakas ng loob si Erap na humirit kung wala siyang kasabwat na nagpayo sa kanya.

Nasaan ang mga pondo sa maanomalyang transaksiyon na pinasok ni Erap at ang pinagbentahan ng mga ari-arian ng Maynila, ilan dito ang Grand Boulevard Hotel, Army and Navy Club, Lacson Underpass, Manila Zoo at mga public market?

Hindi ba halatang hirit pa lang ay overpriced na?

Hindi ba may eskuwelahan at mga batang musmos na kinukupkop sa loob ng Boystown compound na malalagay sa panganib kapag inihalo sila sa mga adik?

Kapag natuloy ang kagaguhang ito, malamang  kung ‘di man maturuang gumamit ng ilegal na droga ay maging runner pa ng shabu ang mga bata na nasa pangangalaga ng Boystown.

Sa harap ng mga opisyal at miyembro ng PPCRV kamakailan, ipinagmalaki ni PDU30 na bilang mambatatas noon ay isa siya sa mga bumoto na mapatalsik si Erap sa puwesto bilang pangulo.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *