Monday , December 23 2024

Dugong bayani si PDU30 sa gawa at pananalita

00 Kalampag percyBUMIDA ang ‘Pinas sa 29th ASEAN Summit na kasalukuyang ginaganap sa Vientiane, Laos.

Ito ay dahil sa kakaibang katangian na ipinamalas ni Pang. Rody Duterte, kompara sa ibang lider natin noon na parang asong nakabahag ang buntot na kumakawag-kawag na humaharap sa malalaking bansa.

Sa kasaysayan ay hindi pa nangyari na ang sinomang lider ng bansa ay personal na ipaabot sa isang kapwa lider sa katulad na okasyon ang malaking paghanga ng kanyang mga mamamayan gaya ng ginawa ni Japanese Prime Minister Shinzuo Abe kay PDU30.

Palibhasa, ang mga Hapones ay nationalists o mapagmahal sa kanilang bansa kaya naman humahanga sila kay PDU30 at nakare-relate sila sa mga taglay na katangian ng ating pangulo.

Hindi nabago at lalo pang hinangaan ni PM Abe at ng kanyang mga mamamayan si PDU30 sa kabila ng mga pinakawalan niyang pananalita bilang sagot sa sermon ni US Pres. Barrack Obama tungkol sa kampanya ng ating pamahalaan laban sa illegal drugs at extrajudicial killings.

Bilang isang dating musician, ang inyong lingkod ay matagal din namalagi sa Japan bilang musikero mula pa noong dekada 70 kaya hindi man ganap ay naiintindihan natin kung ano ang kultura ng mga Hapones.

Hindi karaniwang kaugalian ng mga Hapones ang magpahayag ng paghanga sa kanino man, lalo’t ito ay sa isang okasyon na hindi naaangkop, bagay na hindi napigilan ni PM Abe nang makaharap si PDU30.

Matunog ang mga Hapones, malakas ang kanilang pakiramdam at marunong silang bumasa ng karakter ng tao kaya gano’n na lang ang kanilang paghanga kay PDU30.

Sa kanyang mga gawa at pananalita, natitiyak kong ramdam ni PM Abe at ng mga Hapones na DUGONG BAYANI ang nananalaytay sa mga ugat ng ating pangulo.

Si PDU30 ang bukod-tanging may lakas-loob na lider sa panahon natin na sumukat kung hanggang saan ang mararating na hangganan ng ating dignidad bilang mga Filipino.

Kaugali niya rin sina Gat Jose Rizal, Andres Bonifacio, lalo si Heneral Antonio Luna na kapareho niyang may mataas na pagpapahalaga sa kapwa Filipino at tunay na nagmahal sa ating bayan.

Walang sinomang sipsip-buto sa mga dayuhan ang makapipigil sa pagbangon ng isang bayani na itinadhanang isilang sa kanyang panahon.

Wika nga ni Amado B. Hernandez: “Kitlin mo man ang buhay ko at biyakin ang aking bungo, sa bungo ko’y nakalimbag pa rin sa sariwang dugo, Pilipino akong sa manlulupig ay hindi susuko.”

P34.4-M JACKPOT NADALE
NG CASINO PIT MANAGER:
“ONLY IN DA PHILIPPINES”

MARAMI talagang kakaibang bagay at pangyayari sa mundo na dito lamang sa bansang ‘Pinas makikita o mababalitaang nagaganap.

Sa dinami ba naman ng susuwertehin ay PIT MANAGER pa sa isang malaking Resort and Casino mismo ang mapalad na nakadale sa P34.4-M JACKPOT ng DU FU DU CAI slot machine noong Linggo ng hapon (Sept. 4).

Kaya lang, para yatang may problema tayo riyan na dapat paimbestigahan ni Madam Andrea Domingo, ang chairperson  ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Sa pagkakaalam natin, dahil prangkisa ng PAGCOR ang lisensiyang gamit sa operation ng mga pribadong casino kaya saklaw din sila ng rules and regulations ng pambansang sugalan.

Sa pagkakaalam pa natin, ang mga opisyal at empleyado sa mga casino na may prangkisa ay lisensiyado rin ng PAGCOR.

Isa sa pinakamahigpit na regalasyong ipinatutupad sa sinomang opisyal at empleyado ang magsugal sa casino na pinatatakbo o gumagamit ng prangkisa ng PAGCOR.

At oras na may nalabag na tuntunin, kung ‘di man masuspinde ay babawian ng kanilang lisensiya at hindi na muling makapapasok o makapagtatrabaho habambuhay sa alinmang mga casino.

Ipinagbabawal sa kanila ang magsugal dahil makasasama ito sa negosyo ng casino dahil lalabas na alam nila kung kalian at aling makina ng slot machine ang susuka ng jackpot.

Ibig sabihin, ito ay malaking panloloko sa mga nagsusugal sa casino na walang kamuwang-muwang na wala pala silang tsansa na tumama sa jackpot.

Pero ang nakapagtataka ay kung bakit ibinigay ng casino management ang tinamaang jackpot ng kanilang sariling empleyado, imbes na siya ay patawan ng parusa?

Sabi raw ng masuwerteng pit manager, okey lang naman sa kanya kahit kanselahin na ng PAGCOR ang kanyang lisensiya bilang empleyado ng casino at tanggalin sa trabaho.

May katwiran ang damuhong pit manager, dahil kahit nga naman magretiro sa casino ay imposible niyang kitain ang tinamaan niyang jackpot.

Kalat na pinag-uusapan ngayon ang malaking katarantaduhang ito sa lahat ng casino sa bansa kaya dapat na rin sigurong makialam pati ang Bureau of Internal Revenue (BIR) hangga’t hindi pa naitatakbo ang salaping nakamal ng hindoropot na pit manager sa illegal na paraan.

Sumisikat yata ang negosyong casino dahil sa serye ng malalaking eskandalo at misteryosong pangyayari, lalo sa mga kaso ng illegal drugs, murder at money laundering scam.

May kakayahan ba sa pagpapatupad ng kanilang regulasyon ang PAGCOR para subaybayan ang mga kuwestiyonableng aktibidad na nagaganap sa mga casino sa bansa?

SI “JR” SMUGGLER

HINDI pa kaya nakarating sa kaalaman ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon ang mga katarantaduhan ni JR, ang dakilang smuggler na matindi ang palusot ng sari-saring China products?

Puwes, sakaling hindi pa, ipinagmamalaki raw ni JR na malakas ang koneksiyon niya sa isang kasalukuyang Deputy Commissioner kaya raw tuloy ang palusot niya ng mga kontrabando sa Port of Manila (PoM) at Manila International Containmer Port (MICP) kahit si Faeldon na ang nakaupong hepe ng Customs.

Balewala at wa-epek daw kay JR ang mga bagong CCTV na ipinakalat ni Comm. Faeldon dahil sa loob lang ng bakuran ng Customs ang kaya nitong idokumento.

Paikot-ikot lang si JR sa Customs na kadalasa’y karaniwang kamiseta at tsinelas suot sa katawan para hindi mahalatang nagnanakaw.

May malaking resort na itinatago si JR sa Pangasinan at hindi bababa sa sampung unit ng townhouse ang kanyang paupahan.

Daig pa ng mga damuhong utusan at alalay ni JR si Comm. Faeldon dahil ang gamit nilang sasakyan ay mga SUV na pawang high end at bagong modelo na umiikot-ikot sa Customs.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *