Monday , December 23 2024

Bakit puro pagnanakaw ang kaso ng mga Estrada?

00 Kalampag percyTATLONG buwan ang ipinataw na suspensiyon ng Sandiganbayan kay Sen. JV Ejercito kaugnay ng dinispalkong pondo ng kalamidad na sinalamangka at ginamit sa maanomalyang pagbili ng mga baril habang siya ang alkalde ng San Juan city noong 2008.

Hindi muna senador sa loob ng 90-araw si JV, ang anak ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada kay San Juan Mayor Guia Gomez, at wala rin siyang matatanggap na mga benepisyo sa Senado habang umiiral ang suspensiyon laban sa kanya.

Tanging si Erap lang ang naging pangulo na nahatulan ng pandarambong sa pera ng bayan at mga anak na may magkakapareho ng kaso – pagnanakaw.

Ang isa pang anak ni Erap na si Jinggoy, kahit nakakulong pa hangga ngayon sa kasong pandarambong, ay may panibagong kaso na namang kakaharapin.

Ayon sa Ombudsman, nagsimula na ang preliminary investigation sa panibagong kaso ng anti-graft at malversation through falsification of public documents laban kay Jinggoy.

Natuklasan ng Commission on Audit (COA) na umabot sa halagang P50-M ang hiniling ni Jinggoy sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) para ilagay sa mga pekeng proyekto noong 2011.

Ito ay sa kabila na ilang beses nagpalabas ng notice of disallowance ang COA kaugnay ng mga naturang ghost projects at pinalsipika ang mga dokumento.

Ang ina ni Sen. JV na si Guia ay may mga nakabinbin din na kaso ng katiwalian sa Ombudsman.

Marami tuloy ang nagtatanong kung sadya raw ba na may masusuwerteng nilalang na tulad ng angkan ni Erap ang sobrang lapitin ng pera.

Ipagdasal na lang ni Erap na walang maglakas-loob na magsampa ng kaso laban sa kanya sa mga maanomalyang transaksiyones at kontrata sa Maynila.

Ilan diyan ang pagkakabenta at pagsasapribado sa mga ari-arian ng lungsod tulad ng Grand Boulevard Hotel, ang makasaysayang Army and Navy Club, Manila Zoo, mga pampublikong palengke at Lacson Underpass sa Quiapo.

LOZADA AT DEGUITO
NAGAMIT NG SENADO?

LEKSIYON na dapat magsilbing babala sa sinomang magtatangka na tumestigo sa mga patawag na imbestigasyon ng Senado ang malungkot na sinapit nina Rodolfo “Jun” Lozada Jr., at Maia Deguito, dating branch manager ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC).

Si Lozada ay hinatulan kamakailan ng Sandiganbayan na mabilanggo nang mula 6 hanggang 10 taon dahil sa paglabag sa Republic Act No. 3019 or the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Marami ang naniniwala na ang pagkakasampa ng kaso laban kay Lozada ay bunsod ng pagtayo niya sa Senado noong 2008 bilang whistleblower at pangunahing testigo laban sa dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at dating Commission on Elections Chair Benjamin Abalos Sr. sa ZTE broadband deal scandal.

Wala rin ipinagkaiba ang nangyari kay Deguito na kamakailan ay inaresto sa mababang kaso ng perjury para ipahiya at takutin, samantala ang malalaking tao na nagpakana sa $81-M money laundering ng perang ninakaw sa bansang Bangladesh ay lumabas pang mga bida at bayani.

Panggagamit sa mga testigo “in aid of grandstanding” ang pakay ng mga mambabatas sa mga imbestigasyon ng Senado at Kamara?

Bakit ni isa sa mga senador na nag-imbestiga ay walang ginawa para tulungan si Lozada sa kanyang kaso?

Nasaan nga pala si Sandra Cam na nagsasabing pangulo raw siya ng whistleblowers association?

Kaya mula ngayon ay dapat nang mag-ingat at pag-isipan munang mabuti nang sinoman ang mga “investigation in aid of legislation” ng Senado bago tumestigo.

Mas mabuti pa siguro kung sa media na lang magsadya ang mga may nalalamang kabulukan at katiwalian sa pamahalaan na nais ibulgar kaysa dumulog at magpagamit sa Senado.

‘Yan ang dapat tandaan ng mga katulad ng nagpapagamit kay suspected illegal drugs protector Sen. Leila De Lima.

PROTESTA SA COMELEC
BAKA BANGUNGUTIN
SA HIMBING NG TULOG

KINAIINIPAN na ng mga nag-aabang na Manileño ang mabagal na paglalabas ng desisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa inihaing protesta ng kampo ni Manila Mayor Alfredo Lim laban kay Erap kaugnay ng malawakang vote-buying at pandaraya na naganap sa nakaraang 2016 elections.

Marami ang nagtatanong kung totoo ang balitang nagapang ang Comelec kaya sadyang ibinibitin ang desisyon para patagalin at paboran si Erap.

Kailan nga kaya balak tapusin ng Comelec ang mga kaso ng pandaraya laban kay Erap, sa bisperas ng 2019 midterm elections?

Nangangamba ang mga Manileño na baka sa sobrang himbing nang pagkakatulog ay bangungutin ang inihaing protesta laban kay Erap.

KASO VS ‘BISTEK’
IBINASE SA HINALA

UMEKSENA na naman nang wala sa hulog si Dante Jimenez ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Naghain si Jimenez ng kasong “dereliction of duty” laban kay Quezon City Mayor Herbert Bautista at nakababatang kapatid nito na kasalukuyang sumasailalim sa voluntary drug rehabilitation.

Ibinase ni Jimenez ang isinampang kaso sa sarili niya raw “conclusion” o pala-palagay na nagpabaya ang alkalde at kapatid nito na sugpuin ang paglaganap ng droga sa lungsod.

Kung sa sariling duda lang pala niya nakabase ang paghahain ng reklamo, sana ay sinampahan na rin niya ng katulad na kaso ang lahat ng alkalde sa buong Filipinas dahil buong bansa na ang kontaminado ng illegal drugs.

Napagkakamalan tuloy na kaya siya naghain ng kaso nagpapagamit siya sa politika.

Mukha yatang walang tiwala itong si Jimenez at ang VACC sa kakayahan ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa.

Dahil sumabit daw ang dalawang dating hepe ng QC Police District sa illegal drugs kaya sabit din ang alkalde.

Kung ganu’n, bakit hindi naisipang isama ni Jimenez si Erap sa kinasuhan?

Hindi ba nagbabasa ng balita si Jimenez para malaman niya na ang pinakamalalaking huli ng illegal na droga bago pa nanalo si PDU30 ay pawang sa Maynila?

Alam ni Gen. “Bato” ang kanyang gagawin kaya kung pupuwede sana ay ipaubaya na lang sa kanya at sa mga awtoridad ang pagsugpo sa illegal na droga.

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *