Monday , December 23 2024

HB 1397 ni Amante may sentido-kumon

00 Kalampag percySI Agusan del Norte Rep. Erlpe John Amante ay may panukala na lalong magpapalawak sa kanyang House Bill 1397 (Enhanced Judicial Independence Act of 2015).

Nais ni Amante na ipagbawal na ang anomang uri ng karagdagang kompensasyon sa mga fiscal at hukom, kasama na ang lahat ng kawani sa National Prosecution Service at hudikatura.

Ang tinutukoy ni Amante ay ang mga kompensasyong tulad ng allowances, honoraria, benefits at mga bonus na tinatanggap nila mula sa Local Government Units (LGU’s) na pinapa-yagan naman sa batas sa ilalim ng Republic Act No. 7160 (Local Government Code of 1991).

Layon ng panukala ni Amante na maprotektahan ang integridad at mapanatili ang pagiging independent o malaya ng mga fiscal, huwes at mga kawani ng kanilang tanggapan.

Sabi ni Amante, “The concept of judicial independence lies on the integrity, morality, incorruptibility and impartiality of the members of the judiciary and the prosecution service.”

Ipagbabawal na rin ang paglalagay ng pondo mula sa annual budget, Internal Revenue Allotment (IRA) at iba pang local government funds para sa allowances and benefits ng mga fiscal at hukom sa mga lugar na hawak ng LGUs – mga lalawigan, lungsod at munisipalidad.

Makatarungan at may sentido-kumon si Amante dahil hindi nga naman maiiwasan na dahil sa mga pakinabang na natatanggap ng mga fiscal at huwes mula sa mga lokal na pamahalaan ay maimpluwensihan ang kanilang mga desisyon.

Pwedeng-pwede nga naman gamitin ng mga lokal na opisyal ang kanilang kapangyarihan para impluwensiyahan ang desisyon ng mga fiscal at huwes laban sa sinoman na nais nilang gipitin.

Baka nga hindi na mabilang ang mga dumanas ng panggigipit ng mga mayor, vice mayor at konseho gamit ang kanilang kapangyarihan para impluwensiyahan ang mga fiscal at huwes.

Hindi kaya dahil na rin sa natatanggap na pondo ng mga nasa National Prosecution Service at judiciary mula sa LGUs ang isa sa pangunahing dahilan para mabasura ang mabibigat na kaso tulad ng may kaugnayan sa illegal drugs at nagdidiin naman sa mga walang kasalanan?

COA DUMIDISKARTE
GAMIT ANG CIRCULAR

SAKALING nakalimutan lang ni Amante, dapat niya sigurong isama sa panukala pati ang mga pulis na tumatanggap din ng pondo mula sa LGUs.

Ito rin ang nakikita nating isa sa mga dahilan kaya’t maraming nabibiktima ng harassment kaya nakakasuhan at nagdudusa sa kasalanang hindi naman nila ginawa dahil ang mga pulis ay nagagamit kapalit ng baryang allowance na kanilang nakukuha mula sa LGUs.

Noong January 30, 2013, nagpalabas ng direktiba ang Commission on Audit (COA) sa lahat ng Department Heads, Bureaus, Offices, Agencies and Instrumentalities of the National Government Agencies (NGAs), Local Chief Executives of Local Government Units (LGUs}, Heads of Government-Owned and/or Controlled Corporations (GOCCs) and Their Subsidiaries, COA Assistant Commissioners, Directors, Auditors and All Others Concerned.

Sa kanilang Circular No. 2013-003, ipinatigil ng COA ang “Allowances, Incentives, and Other Benefits” sa mga nabanggit na opisina ng gobyerno dahil labag ito sa batas na kung tawagin ay “double compensation”.

Ito ay sa kabila na ang mga benepisyo mula sa LGUs ay pinapayagan sa ilalim ng Local Government Code.

Ang hirap kasi sa bansa natin, maraming batas na nagkokontrahan, bukod pa sa labag din sa sentido-kumon.

Kaya naman dahil sa direktiba ng COA ay agad ipinatigil ni Mayor Alfredo Lim ang pondo na ibinibigay sa mga teachers at kapulisan.

Sa katunayan, si Mayor Lim ang kauna-unahang nagpatupad nito base sa Local Government Code noong una pa siyang manungkulan bilang alkalde ng Manila, taong 1992.

Pero ang nakapagtataka, kinalaban ng COA ang sarili nila nang muling payagan ang pagbabayad ng kompensasyon sa mga guro at kapulisan na ang pondo ay galing sa LGU.

Sinadya ba ng COA ang paglalabas ng Circular para manakot at pakiusapan sila ng mga opisyal na sakop ng kanilang direktiba?

Magkano?

PULIS, TEACHERS
DAPAT ISAMA RIN

HINDI lamang mga fiscal at hukom ang sumisira sa integridad ng pamahalaan dahil sa natatanggap na kompensasyon.

Panahon na para sugpuin ang katiwalian na nagsasangkot sa mga guro at pulisya na kasamang tumatanggap ng kompensasyon at nagpapagamit sa LGUs.

Malala na ang pagbagsak ng moralidad sa hanay ng mga guro at kapulisan, lalo na sa panahon ng eleksiyon.

Napatunayan ito sa malawakang pandaraya na naganap sa nakaraang halalan sa Maynila at ibang mga kalapit na lungsod.

Garapalan ang ginawang ipinamudmod ni Erap ng computer tablets sa mga guro sa San Andres Sports Complex, ilang araw bago ang 2016 elections.

Ang masama, ang mismong pinakamataas na opisyal din ng Department of Education (DepED) sa Maynila na nag-utos sa mga guro na pumunta sa San Andres ang umupo bilang miyembro ng Board of Canvasser sa Rizal Memorial.

Naaktohan naman ang mga pulis habang naghahatid sa ng mga makinang ginamit sa eleksiyon mula sa mga eskuwelahan na ibiniyahe sa Rizal Memorial sakay ng MPD mobile patrol cars.

Sa panukala ni Amante, ang lahat ng kompensasyon ay manggaling sa pondo ng pambansang pamahalaan.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *