KAMAKAILAN lang natin napansin ang tambak na palang reklamo ng ating mga kababayan sa “ISUMBONG MO KAY DUTERTE,” isang Facebook account na binuksan ng inyong lingkod mahigit tatlong na ang nakararaan.
Layon nito na humakot ng suporta para himukin si noon ay Davao City Mayor Rody Duterte na tumakbong presidente.
Ngayong siya na ang nakaupong pangulo, minabuti nating panatilihin ang nasabing FB account upang magsilbing tulay sa pagitan ng gobyerno at mamamayan.
Ating bibigyan ng puwang na ilathala sa pitak na ito ang mga hinaing, reklamo o sumbong na ating matatanggap sa nabanggit na FB account upang kahit paano ay makatulong na mapagaan ang kalooban ng ating mga kababayan, lalo na ang mga walang matakbohan o malapitan, saan mang lupalop sila ng mundo naroon.
Bibigyan daan din natin ang mga sumbong at reklamo sa malaganap nating programang “Lapid Fire” na napapanood mula 8:00 am to 10:00 am sa 8Tri-TV via Channel 7 ng Cablelink TV at sabayang napapakinggan sa DZRJ-RADYO BANDIDO (810 Khz), 9:00 am – 10:00 am, Lunes hanggang Biyernes.
Narito po ang ilan sa mga mensahe na nais iparating kay Pang. Rody:
EDUCATIONAL PLAN
BETH OLOG GACUSAN (Singapore) – “Magandang araw po, Mahal naming President. Nais ko po sanang magpatulong sa inyo tungkol po sa Loyola Educational Plan ng anak ko. Nandito po ako ngayon sa Singapore sa ngayon. Tatanggap po sana kami ng 3rd availment check noong Nov.25, 2015 pero hanggang ngayon po, ‘di pa binigay. Taga-Nueva Vizcaya po kami kaya ang hirap po para sa amin na i-check lagi kasi po bibiyahe pa ng 7 to 8 hours. Nagbigay sila ng numbers pero ‘pag tawagan, wala namang sumasagot, text man o email. Pumunta ako noong Jan. 5, 2016, sabi po wala pa. Pinapunta ko anak ko noong April, wala din po kaya ipinagdasal ko po na sana manalo kayo at dininig po ng Dios mga dasal ko dahil alam ko po na kayo lang po makakatulong sa amin. Sana po matulungan n’yo po kami sa problema namin na ito. Maraming salamat po.” <Aug. 6>
VIDEOKE BARS SA QC
NA NAKABUBULAHAW
MIKE (Soccorro, Cubao) – “Matagal na po kasi naming tinitiis dito sa amin, may mga videoke bar at beer house po sa tabi ng aming boarding house. Kung magpatugtog ay napakaingay, at umaabot hanggang alas tres ng madaling araw, hindi na ako nakakatulog ng maayos, at maging sa ibang dorm. Nahihirapan na po kami dito kasi hindi rin pinapansin ng barangay ang aming mga sumbong. Sana po ay matulungan n’yo po ako.” (July 9)
PATI HINDI ADIK
KULONG SA PATEROS
ROGIE PAÑOSO – “Ako po ay isang empleyado ng Barangay San Luis sa Antipolo City na lumalapit po sa inyong tanggapan sa kadahilanang ang aking kapatid na si Peaches Pañoso ay nakakulong ngayon sa Pateros Municipal Police Station sa kasong visiting drugs den. Ang chief na humuli ay si Balagtas under ni Magdilao. Ang buong pangyayare po ay ganito, ang aking kapatid po ay kasalukuyang naghuhugas ng plato sa bahay ng kanyang kinakasama sa Pasig. Nagulat na lang po siya, ang tito nitong kinakasama po niya ay biglang tumakbo sa kanilang bahay. Hindi ko po alam na ang tito pala ng kanyang kinakasama ay sangkot sa droga. Sa madaling sabi ay nagraid na po sila doon sa compound na ‘yun at hindi po nila daw kailangan ng search warrant dahil daw po ito ay tinatawag na ZONA (d ko po alam kung tama ung spelling). Nu’ng nahuli po ung tito ng kinakasama doon sa loob ng bahay, pati po siya ay pinosasan ng mga pulis ngunit po dahil walang nakitang droga sa aking kapatid kung kaya pinakawalan din po siya. Ngunit nakita po niya ang isang pulis doon sa raid na bigla na lang kinuha ang kanyang buong sahod na nakalagay sa mesa at kinuha lahat ng mga gadget sa loob ng bahay nila kung kaya lumapit po sila sa kanilang barangay sa Pasig upang magpa-blotter sa pangyayari ngunit po ang ginawa ng mga barangay ay sinamahan pabalik ang aking kapatid doon sa lugar ng bahay nila kung saan ang raid ay on going pa rin. ‘Yung isang barangay po ay ininform ang isang pulis at sinabing may pumunta sa barangay at nagreport na may mga nawawalang gamit sa loob ay agad pinosasan ang aking kapatid at sinama doon sa mga nahuli sa loob daw po ng opisina nila Balagtas. May isang pulis na bumatok sa aking kapatid at sinabing PINAKAWALAN KA NA BABALIKAN MO PA KAME. Sinubukan po naming ayusin/aregluhin ang mga pulis, ang lagi nilang sinasabe PINAKAWALAN NA KASE BUMALIK PA. Hindi ho ba karapatan namin bilang mamamayan na ipa-blotter ang mga nawawalang gamit doon sa loob ng pinangyarihan ng raid? Ang aking kapatid po ay walang bisyo, ni sigarilyo nga po ay hindi niya tinitikman at lalo na pong hindi siya gumagamit ng pinagbabawal na gamut. Patunay po nito ang resulta ng kanyang drugtest na kinuha sa Makati Crime Lab. Nag-message po ako sa inyo para po mabigyan po sana ng hustisya ang mga ginawa ng pulis na iyon sa aking kapatid. Natatakot po akong magsampa ng reklamo laban sa kanila sa kadahilanang hindi po kame sanay sa mga ganong poblema. Tahimik lang po ang aming pamilya ngunit ‘di po makatarungan ang mga ginawa ng mga kapulisan na taga-Pateros. Isang gabi, sabi ng aking kapatid, may mga swat daw pong pumunta doon sa presinto at pinabilang ang mga nakakulong sa loob (mga lalake). Nu’ng may isang mali ang bilang, nagulat na lang po sila dahil binugbog ng mga SWAT ang lalaking nakakulong. Tama ho ba ‘yung mga gano’ng patakaran sa pamumuno po ng ating bagong president? Kahit po ipa-background check pa po ninyo, nagsasabi po ako ng totoo. Sana po, bigyan ninyo ng pansin ang aking poblema. Hindi rin po pusher ang kapatid ko dahil po nagtatrabaho po siya as gasoline boy sa Shaw, patunay din po nito ang certification na galing sa kanilang kumpanya. Meron po akong mga dokumentong suporta sa lahat ng akin dinulog.” <July 11>
MAY SHABU JAMMING
DAW SA KAWIT, CAVITE
(NAME WITHELD) – “Jamming marami po sa Kawit, Cavite. Marami din nare-rape dito. Si Benjie, siya nagtuturo sa mga kabataan dito mag-shabu. Dito sa Kawit, pati pulis nagbebenta ng shabu. Halos lahat ng trycicle driver nagsa-shabu. Mayor Duterte, call for action. Threatening. Marami nang pinapasok na bahay sa Kawit. Ilan na ang nasa-salvage ng mga drug addict. Marami na ang nare-rape, pinapasok ang bahay. Mga minor age 15, 16, 17 years old nangre-rape na. Pati pari pinatay, Father Jessie because of preaching about drugs. Pati simbahan ninanakawan. At the age of 13 nagda-drugs na.” <July 18>
REKLAMO VS SSS
JEMIMAH PATANGAN – “Ako po ay miyembro ng SSS, 19 years na. Umalis po ako ng one year at ‘di nakapaghulog dahil wala akong trabaho. Ngayon po, I have work already for 2 months na, I got sick, got operated and since I’m not yet regular sa work. I asked for SSS medical leave benefits, SSS declined coz I lack contribution daw na one month to qualify. Declined din po disability claim ko kasi wala na raw po sa cut off age. Women 44 yrs below lang daw po ang pwede. Grabe naman po ang mga hidden policy ng SSS, grabe naman and ordinaryong mamamayan na matagal nang miyembro, hindi mapagbigyan samantalang ang lalaki ng mga bonus ng top executives ng SSS. Pls help, President Duterte.” (July 19)
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy lapid