Monday , December 23 2024

Droga, bakit talamak sa Barangay Lawton?

ISA ang Liwasang Bonifacio sa Lawton, Maynila ang dapat pabantayan ni incoming PNP Director Roland “Bato” Dela Rosa kung illegal drugs at krimen ang pag-uusapan.

Hindi lamang illegal terminal ang namamayagpag dito kundi pati ang droga ay laganap kahit sa paligid mismo ng Manila City Hall.

Matagal nang alam ng mga awtoridad na isa ang mga illegal terminal na ginagawang bagsakan at prente ng illegal na droga at una itong napabalita sa Alabang, Muntinlupa bus terminal, ilang taon ang nakararaan.

Marami sa mga driver na pumapasada, colorum man o hindi, ay lulong din sa paggamit ng ipinagbabawal na shabu.

Hindi na mabilang ang insidente ng holdapan sa barangay na nakasasakop sa Lawton at City Hall kahit tirik na tirik ang sikat ng araw.

 Kaya naman ngayong pasukan, may katuwirang mabahala ang maraming magulang para sa seguridad ng kanilang mga anak na nag-aaral sa Unibersidad de Manila (UDM), lalo’t ang lungsod ang tinaguriang sentro ngayon ng illegal drugs trade sa bansa.

Ano’ng proteksiyon ang puwedeng asahan ng publiko sa Maynila laban sa droga kung ang mismong hepe at mga kagawad ng Manila Police District Anti-Illegal Drugs ay sama-samang dinakip matapos mahulihan ng 5-kilong shabu noong 2014 pero hanggang ngayon ay hindi naisasampa ng Manila Prosecutors Office ang kanilang kaso sa hukuman?

Paano makatutulog nang mahimbing ang mga taga-Maynila kung sa lungsod na naturingang kabisera pa mandin ng ‘Pinas ay may laboratoryo ng shabu?

Sino’ng peace-loving citizen o nananahimik na mamamayan ang makatutulog nang mahimbing kung naglipana sa barangay na sumasakop sa Lawton at City Hall mismo ay naglipana ang mga durugistang barker, ‘tong’ collector at pedicab drivers?

Totoo ba ang balita na ang sindikatong nasa likod ng nagpapatakbo ng illegal terminal at nagpapakalat ng illegal na droga sa barangay na sumasakop sa Lawton at City Hall ay iisa?

Gen. Bato, sa July 1, isama n’yo sa listahan ng mga kakatoking pintuan ang barangay sa Lawton.

 Abangan!!!

Due process, sayang lang sa mga kriminal

NADAKIP ng mga awtoridad kamakalawa ang isa sa hinihinalang may kagagawan sa magkakahiwalay na insidente ng holdap at panggagahasa na bumibiktima sa mga babaeng pasahero ng ‘colorum’ na UV Express.

Arestado na ang hayok na driver ng colorum van na kinilalang si Wilfredo Lorenzo habang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pa niyang kasama na humalay at humoldap sa dalawang babae noong nakaraang linggo sa Quezon City.

Isa sa dalawang biktima ang halinhinang hinalay ni Lorenzo at ng pinaghahanap na kasamahan niya na isang alyas Buddy.

Nakuha ang isang sachet ng hinihinalang shabu mula kay Lorenzo na umamin sa nagawang krimen bunsod umano ng paggamit ng illegal na droga.

Naniniwala ang mga awtoridad na si Lorenzo at ang kanyang kasama rin ang responsable sa magkahiwalay na krimen at insidente sa lalawigan ng Rizal at lungsod ng Makati dahil sa katulad na modus operandi.

“President, kailangan namin ng tulong ninyo. Wala nang dapat mabuhay na ganyan, maraming mabibiktima. Kaya kong manindigan, patayin n’yo lang siya.”

‘Yan ang lumuluhang panawagan at pagsamo ng biktima kay incoming Pres. Rodrigo “Rody” Duterte dahil sa sinapit na trahedya.

Posibleng may iba pang biktima ang buhong na si Lorenzo at kasama niya na maaaring nagsawalang-kibo dahil sa takot na maeskandalo kung kaya’t tinitiis na lamang na hindi magsumbong sa mga awtoridad.

Posible rin na may mga kriminal pang tulad ni Lorenzo at ng kanyang kasama ang pagala-gala at walang takot na gumagawa ng katulad na krimen.

Si Lorenzo at ang kanyang kasama ay panganib sa lipunan at ang mga tulad nila ay walang karapatang mabuhay na kahalubilo ng alinmang sibilisasyon.

Ang kahayupang ginawa ni Lorenzo at ng kanyang kasama ay patunay lamang na talagang wala silang takot sa batas.

Kaya’t sayang naman kung sa mga katulad lang nilang kriminal maaaksaya ang pera at panahon ng pamahalaan.

Ipuwera na rin ang ganitong kaso at isantabi muna ang due process of law, tulad sa illegal drugs.

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *