INAMIN ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may insertions sa pambansang budget ang kanyang ina na si Senador Loren Legarda, batay sa listahang sinabi niyang nakuha niya mula sa yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
“I can say, nandiyan. Tinanong ko siya at sinabi niya, hindi naman niya alam iyong mga nakalista riyan at sa mga senator, actually pinakamaliit ang sa kanya,” ani Leviste sa isang panayam sa radyo.
“Pero tinanong ko siya talaga at sabi niya, hindi niya alam ang mga ito. Pero kinokompirma ko po na lahat ng tiningnan ko ay nandiyan sa listahan,” dagdag niya.
Ayon kay Leviste, ibinigay umano sa kanya ni Cabral ang listahan nang may pahintulot ng DPWH Secretary na si Vince Dizon, na ayon sa kanya ay kausap niya sa telepono noong mga oras na iyon.
Ngunit sa isang Reddit post sinabinh sapilitang pumasok ang mambabatas sa tanggapan ng opisyal ng DPWH at pilit na inagaw ang mga dokumento mula sa kamay nito.
Dahil umano sa insidente, nagkaroon ng paper cut sa daliri si Cabral, na sinabing nakita nang dumalo siya sa isang pagdinig sa Kongreso kinabukasan. Una nang nagbitiw sa puwesto si Cabral matapos maiugnay sa eskandalo sa flood control.
Muling lumabas sa social media ang naturang post kasunod ng pagkamatay ni Cabral, na hinihinalang nahulog sa isang bangin sa kahabaan ng Kennon Road noong Huwebes.
Kinompirma ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng DNA test, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Gayonman, nanatili ang imbestigasyon ng law enforcement agencies ng pamahalaan kaugnay ng pagkamatay ni Cabral.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com