ISANG KOPONANG binubuo ng mahuhusay at dedikadong mga manlalaro, isang matiyaga at matatag na coach na hinubog ang team mula sa simula, at isang pederasyon na bumuo ng isang programang hindi agad magbubunga ng resulta ngunit nakakita ng malaking progreso sa loob ng tatlong taon.
“Masaya kami sa ikalawang puwesto, nasa tamang landas kami… ito ay isang proseso,” sabi ng Brazilian head coach na si Jorge Souza De Brito ilang minuto matapos talunin ng Vietnam — na nasa ika-25 puwesto sa mundo, 31 baitang na mas mataas kaysa Filipinas —ang ating koponan sa iskor na 25-15, 25-17, 25-14 sa gold medal match ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Volleyball Nations Cup nitong Sabado ng gabi sa Hanoi.
“Dahil sa buong suporta ng pederasyon, may magagaling talaga tayong manlalaro na kailangang i-develop, at taon-taon lalakas at lalakas ang grupo,” ani De Brito. “Sigurado ako roon. Isa itong proseso na kailangang pagdaanan.”
Ang pilak na kumikislap na parang ginto ay patuloy na simbolo ng pag-angat ng Filipinas sa Asia at global volleyball stage.
“Napakahalaga ng medalyang ito, ito ang lahat para sa amin,” sabi ni Jia de Guzman, na muling itinanghal bilang Best Setter ng torneo sa ikalawang sunod na taon. “Mahirap makita ang paglago ng sport sa bansa kung wala ang resulta na ito na naabot ng team.”
Simula nang pamunuan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang programa noong 2021, parehong Alas Pilipinas men at women squads ay nakitaan ng malaking pag-unlad sa ilalim ng programang suportado ng pandaigdigang volleyball federation na FIVB.
“Lahat ng miyembro ng team, mula sa mga manlalaro hanggang sa coaches, ay napakalaking iniunlad,” ayon kay PNVF president Ramon “Tats” Suzara, na noong Agosto ay nahalal bilang presidente ng AVC at naging FIVB executive vice president din.
“Pero ang buong programa ay tagumpay ng parehong team at pederasyon, at hindi ito posible kung wala ang suporta ng stakeholders.”
Matatag ang suporta nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa programa, pati ang pribadong sektor tulad ni Manuel V. Pangilinan, ng Rebisco, Meralco, Mwell, PLDT, Akari, at Asics.
“Ibinigay na namin ang lahat dahil matapos naming makuha ang bronze noong nakaraang taon at silver ngayong taon, mas lalo kaming na-inspire na bumalik sa training, magtulungan bilang isang team, at ipagpatuloy ang long-term program,” ani de Guzman.
Nakamit din nina Angel Canino (Best Outside Spiker) at Dell Palomata (Best Middle Blocker) ang mga individual na parangal.
“Dahan-dahan pero tuloy-tuloy ang pag-unlad natin bilang bansa sa volleyball, at sobrang proud ako sa team,” dagdag niya.
Kahit dominanteng lumaro ang Vietnam sa gold medal match, ipinakita ng mga Pinay ang kanilang tibay ng loob sa buong torneo—apat ang panalo at dalawang talo—isang ugali na ayon kay De Brito ay magbubunga pa nang mas malaki sa hinaharap.
“Sana ay mapanatili ninyo silang lahat dahil naniniwala sila sa proseso, malalakas sila at nakatutok pa rin kahit hindi maganda ang performance—patuloy silang nagsusumikap,” ani De Brito. “At mahalaga ito, dahil hindi lang ito tungkol sa volleyball—naglaro sila para sa bandila at ipinakita ang kanilang karakter.”
“Ito ay isang bagay na kailangang palaguin at buuin para sa team,” dagdag niya. Nakatakdang matapos ang termino ni De Brito bilang head coach ng national women’s team sa ilalim ng FIVB Empowerment Program para sa 222 miyembrong bansa sa darating na ika-33 Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.
Noong 2021, nang hawakan ng PNVF ang programa, nasa ika-156 puwesto ang national women’s team. Tumaas ito ng 90 baitang noong 2023 sa ika-66, at nitong nakaraang taon, lumundag pa sa ika-58 puwesto. (HNT)