INARESTO ng pulisya ang dalawang Chinese nationals na sinasabing gumagamit ng equipment sa pangangalap ng datos na maaaring gamitin sa mga scamming activities mula sa isang cell tower sa lungsod ng Baliuag, lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa ulat, naaktohan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga suspek sa loob ng kotse na nakaparada malapit sa cell site.
Nasamsam ng mga awtoridad ang mga kagamitan, na sinabi nilang nakuha ang impormasyon mula sa mga telepono at iba pang elektronikong kagamitan sa loob ng saklaw nito.
Sinabi ni CIDG Bulacan Provincial Officer P/Lt. Col. Milgrace Driz, ito ay mga elektronikong kagamitan na may kakayahang humarang, mag-imbak, at gumamit ng impormasyong nakuha mula sa iba’t ibang kagamitang pangkomunikasyon tulad ng cellphone, kompyuter, at iba pa.
Ito aniya ay isang simulator ng cell site na ginagaya ang mga cell tower na ang mga nakolektang impormasyon ay gagamitin para sa mga aktibidad na pang-scam.
Tumangging magkomento ang dalawang suspek ngunit sinabing sila ay mga installer samantala napag-alamang ang isa sa kanila ay pugante sa China na ipinadala sa Filipinas.
Sinabi ng CIDG investigators na puwedeng magamit sa panloloko at pang-scam ang mga information na makukuha sa isang cell tower.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang mapigil ang pagkalat ng nasabing spy equipment.
Kaugnay nito ay sinampahan na ng kaso sa Department of Justice (DOJ) ang mga suspek at mayroon na silang inihain na preliminary investigation. (MICKA BAUTISTA)