SUGATAN ang isang 39-anyos Grab driver nang pag-uundayan ng saksak ng nakabanggaang motorista sa lungsod ng Meycauayan, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng gabi, 1 Abril.
Sa ulat na ipinadala ng Meycauayan CPS kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, naganap ang insidente dakong 9:00 ng gabi kamakalawa sa kahabaan ng NLEX Service Road, sa Brgy. Pandayan, sa nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat, unang nagkabanggaan ang sasakyan ng biktimang Grab driver at ng suspek sa nabanggit na lugar ngunit imbes mag-usap nang maayos ay nauwi sa hindi pagkakaintindihan.
Sa sobrang galit ng suspek, bumunot siya ng Japanese double knife at walang sabi-sabing pinag-uundayan ng saksak ang Grab driver na tinamaan sa braso at leeg.
Nang makitang nakalugmok na ang biktima, tinangkang tumakas ngunit agad naitawag sa mga nagpapatrolyang tauhan ng Meycauayan CPS na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek na napag-alamang lango sa alak.
Narekober ng mga awtoridad ang armas na ginamit ng suspek sa pag-atake sa biktima na agad na naisugod sa ospital.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Meycauayan CPS ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide, reckless imprudence resulting in damage to property, at paglabag sa RA 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act), at Batas Pambansa Blg. 6 kaugnay sa Omnibus Election Code. (MICKA BAUTISTA)