Wednesday , December 4 2024

Kapos sa asukal, kapos sa asin

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SUPORTADO ni Senator Sherwin Gatchalian ang grupo ng mga opisyal na gigil nang durugin ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) dahil sa mga kontrobersiyal nitong transaksiyon na madalas nabubuking ng Commission on Audit (COA).

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang linggo sa pagbili ng PS-DBM ng mamahalin pero luma nang laptop para sa Department of Education, sinabi ng mga opisyal nito na ang nabanggit na transaksiyon ay isang “hindi sinasadyang pagkakamali.”

Maingat naman si Sen. Francis Tolentino, chairperson ng Blue Ribbon Committee, sa pagbibigay ng kanyang konklusyon sa usapin hanggang hindi natatapos ang mga pagdinig. Subalit maraming senador ang hayagan nang nagsasabing hindi lulusot sa kanila ang katwiran ng “hindi sinasadyang pagkakamali.”  Kaya naman nagalit sila – kahit mismong si Sen. Jinggoy Estrada, ‘di ba? Akalain n’yo!

*              *              *

Ang angas ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, sinibak ang anim sa kanyang mga opisyal na kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng nabunyag na smuggling ng asukal sa Port of Subic.

Makalipas ang ilang oras, inilinaw ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa mga mamamahayag sa Palasyo na ang anim na opisyal ay inilipat lamang sa ibang tanggapan sa Bureau of Customs.

Ibig sabihin, hindi naman talaga sila sinibak sa trabaho kung hindi inilipat lang sa ibang opisina, marahil hanggang sa unti-unting manamlay ang ‘kontrobersiya’? Kung cute ang bear na si Yogi, hindi cute ang paandar na ito ni Yogi ng BOC, sa totoo lang.

*              *              *

Narito ang isa pang eksena, kung nakulangan pa kayo sa nauna. Sinalakay ng inspection teams ng BOC at ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang tatlong bodega sa Bukidnon, iniulat na nadiskubre nila roon ang 466,142 sako ng asukal.

Pagkatapos, umalis na ang raiding teams.

Nagreklamo ng harassment ang Crystal Sugar, na nagmamay-ari sa mga bodega, dahil wala naman daw tinukoy o napatunayang paglabag na ginawa nila.

Inuulit ko, walang “pogi” points para sa ’yo, Yogi!

*              *              *

Ilang beses nang kinulit ng kolum na ito ang mga awtoridad para alamin kung ano ba talaga ang nangyari sa 34 sabungero na bigla na lang misteryosong naglaho matapos na huling makitang buhay sa mga sabungan.

Sa huling update mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nawalan na raw ng gana ang mga pamilya ng mga kawawang sabungerong ito na ituloy pa ang kaso matapos umanong makatanggap ng regular na ayudang pinansiyal mula sa isang benefactor.

Ganito nga ba ang paraan upang malusutan ng mayayamang kriminal ang kanilang ginawa: Bayaran ang mga pamilyang kapos na kapos sa buhay upang tuluyan nang makalimutan ang kanilang mahal sa buhay na bigla na lamang naglaho sa mundo? Magkano na nga ba ngayon ang halaga ng buhay?

*              *              *

Ibinebenta ang asukal sa tatlong pangunahing supermarket chains sa halagang P70 kada kilo bilang pagtupad sa “apela” ng ating Agriculture Secretary. Sa madaling salita, napakiusapan sila ng Pangulo.

Ang sweet naman – para sa mga taong namimili ng kanilang groceries sa supermarket. Hayaan na natin ang karamihan ng mga Filipino – silang limitado ang budget – na hindi talaga kinakaya ang tumataas na presyo ng asukal at ang kaya lang bilhin ay one-fourth ng isang kilo sa mga palengke.

*              *              *

Pero ang pinakanakapanlulumong narinig ko kamakailan ay mula kay Sen. Joel Villanueva. Iginiit niya ang pagpapasiglang muli sa industriya ng produksiyon ng asin ngayong 93 porsiyento ng ating supply ay inaangkat sa Australia at China.

Pangatlo tayo sa may pinakamahabang baybayin sa mundo, sa mismong Pasipiko, pero hindi natin magawang lumikha ng sarili nating asin.

Sa palagay ko kailangan na talagang magpasaklolo ng ating DA Secretary sa kanyang “Ate Imee.”

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Dragon Lady Amor Virata

Bayaw vs hipag for P’que city mayor

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MAGBABALIK si formermayor and congressman Edwin L. Olivarez sa …

YANIG ni Bong Ramos

Abolished na police department/s ipinangongolekta pa rin

YANIGni Bong Ramos DALAWANG departamento ng pulisya na matagal na panahon nang abolished ang ipinangongolekta …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …