Saturday , November 16 2024

‘Iginapos’ na freedom of expression humulagpos
ATL SECTIONS 4 & 25 IPINAWALANG-BISA SA EN BANC DECISION NG KORTE SUPREMA

HINDI pinagbigyan ng Korte Suprema ang hirit ng petitioners na ide­klarang unconstitutional ang malaking bahagi o ang buong Anti-Terrorism Law bagkus ay dalawang parte lamang ng kontrobersiyal na batas ang ipinawalang-bisa ng mga mahistrado.

Sa inilabas na desi­syon ng Korte Suprema, una, sa botong 12-3 ay idineklarang labag sa Konstitusyon ang bahagi ng Section 4 ng batas na tumutukoy kung ano ba ang ibig sabihin ng terorismo.

Tinanggihan ng Korte ang bahaging nagsasabi na anomang gawain na puwedeng makasakit at maglagay sa panganib sa buhay ng mga tao ay maaaring pumasok sa depenisyon ng terorismo.

Sa en banc session ng Korte Suprema, nitong 7 Disyembre, ipinawalang bisa sa botong 12-3 ang bahagi ng Section 4 na nagbibigay kahulugan na ang pagsusulong ng adbokasiya, protesta, pagtutol, paghinto sa trabaho, industriyal o aksiyong pangmasa, at iba pang kahalintulad na paggamit ng sibil at pampolitikang karapatan ay terorismo.

Ang dahilan ng Korte Suprema, masyadong malawak at lumalabag ito sa karapatang mag­pa­hayag, kaya hindi maa­aring ikonsiderang teroris­mo.

Ang naturang pro­bisyon ang isa sa mariing tinuligsa ng petitioners dahil sa pagiging malabo at maaaring abusohin ng mga awtoridad at mag­lagay sa panganib sa mga kritiko ng pamahalaan.

Para sa isa mga abogado ng petitioners, malaking tagumpay ito.

“Malaking bagay ang pag-narrow ng Korte Suprema na parang sinasabi kapag nagra-rally ‘yan, hindi ‘yan puwedeng gawin terrorism. Kapag freedom of expression ‘yan, hindi puwedeng sabihin na inciting to terrorism,” ani Makabayan senatorial bet Neri Colmenares.

Ang iba pang itinu­turing nilang problema­dong naiwang kahulugan ng terorismo ay maaari nilang kuwestiyonin sa ihahaing motion for reconsideration.

Pangalawa, sa botong 9-6 ay ipinawalang bisa rin ng Korte Suprema ang bahagi ng Section 25 na nagbibigay ng titulo sa mga tao o grupo bilang terorista.

Sa ilalim ng Section 25 ng ATA, ang Anti-Terrorism Council, kapag nakakita ng ‘probable cause’ ay maaaring bansagan, pangalanan o italaga ang isang indibidual, grupo, orga­nisasyon at asosasyon, lokal man o dayuhan, bilang terorista.

“The ‘designation’ shall be without prejudice to the proscription of terrorist organizations, associations or groups of persons under Section 26 of this act,” nakasaad sa probisyon.

Ayon sa Korte, unconstitutional ang paghiling ng ibang bansa na mag-designate ng terorista na puwedeng i-adopt ng Anti-Terrorism Council.

Gayonman, pinag­tibay ng Korte ang kapangyarihan ng ATC na magtalaga ng terorista.

Sa media advisory ng Public Information Office (PIO) ng Korte Suprema, nakasaad na mananatili ang ibang bahagi ng Anti-Terror Law na kinontra ng petitioners gaya ng pagkakakulong sa loob ng 24 araw na pinapayagan sa Section 29 ng nasabing batas.

Paliwanag ng isang law expert, puwede pa rin kuwestiyonin ang probi­syon ng batas kung may aktuwal na kasong naihain.

Umabot sa 37 petisyon ang kumuwes­tiyon sa batas.

Maghahain ng motion for reconsideration ang National Union of People’s Lawyers (NUPL).

“While we are glad and assured that the court mainly struck down the qualifier in Sec. 4, we regret that all the rest of the perilous provisions like the main definition and concept of terrorism, other forms of designation, warrantless arrest, prolonged detention, freezing of assets, proscription, definitions on incitement, recruitment, membership, material support, humanitarian assistance, etc. remains in the book, for now,” ani Atty. Edre Olalia, NUPL president.

Itinuturing ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretery-general Renato Reyes, Jr., na partial victory ang desisyon ng Korte Suprema.

“Our main win from the SC ruling on the Terror Law is that activism is not terrorism. This is a partial victory for petitioners as protests and advocacy are not acts of terror, period. But the dangerous provisions of the Terror Law remain and can still be abused by the Anti-Terror Council (ATC).

Ihahanda aniya ng kanilang grupo ang motion for reconsideration kapag may kopya na ng desisyon.

Tumanggi magbigay ng pahayag ang Palasyo habang hindi pa nakaku­kuha ng kopya ng SC ruling. 

About hataw tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …