“KAMUKHA mo si Paraluman…” marahil ang pinakaakmang linya ng kanta na puwedeng maging simbolo ng pagsikat ng mga Pinoy alternative band sa pagpapalit ng milenyo. Duda ako kung may isa man sa henerasyong iyon ang nakakkikilala kay Paraluman, maliban sa sinasabi ng kanta na isa siyang napakagandang babae.
Si Paraluman, siyempre pa, ay totoong napakagandang dilag; isang German-Filipino actress noong kalagitnaan ng 1900 na pinagliliwanag ang pinilakang-tabing sa kanyang ganda at kayumian — tulad ng pagkakalarawan ng Eraserheads sa bida ng klasikong awitin nilang “Huling El Bimbo.”
Walang dudang tayong mga Filipino ay mahilig sa kanta at madaling mabighani ng kagandahan. Kaya naman marami sa atin ang alipin ng karaoke at hayagang sumusubaybay sa beauty contests. Kapag kumakanta tayo, pakiramdam natin ay walang kaibahan ang ating boses sa orihinal na umawit, kung hindi man mas mahusay pa tayo sa kanila. At ipinagdarasal natin ang tagumpay ng ating beauty queens, at para sa atin, ang iba pang mga kandidata ay mga ugly ducklings (nahalata n’yo sana ang metaphor sa binanggit ko).
Pero nitong nakalipas na linggo, nakalulungkot na ang ilan sa atin ay ginamit ang social media para magpakawala ng panlalait at masasakit na salita laban sa iba pang mga kandidata sa Miss Universe pageant. Ang pamba-bash kay Miss Universe-Canada, sa kanyang hitsura, at sa kulay ng kanyang balat, ay lubhang kahiya-hiya.
Kung ang mga komentong ito ay nagmula sa mga loyalistang panatiko ng ating pambato, hindi marahil gugustuhin ni Miss Universe-Philippines Rabiya Mateo ang suporta nito para sa kanya. Hindi biro ang naging hirap niya upang makarating kung nasaan man siya ngayon, tulad ni Ms. Nova Stevens ng Canada at ng iba pang kandidata ng Miss U, para ang pambihirang pagkakataong ito na katuparan ng kanilang pangarap ay masira lang ng mga walang modong nagkukubli sa likod ng kani-kanilang smartphones.
Pero naniniwala pa rin ako na ang mga negatibong komentong ito, gaano man kasama ang dating, ay hindi maituturing na hateful speech dahil hindi naman tayo mga taong mapamuhi sa kapwa. Pero naghuhumiyaw ang kanilang kaignorantehan tungkol sa racial issues sa mundo. Sa panlalait sa kanilang kapwa, ang mga bashers na ito ay nagbibigay ng impresyon na tayong mga Filipino ay racist, na hindi makatarungan at walang katotohanan para sa akin at sa milyon-milyong tunay na sumusuporta kay Rabiya sa laban niya para sa pinakaaasam na korona. Umaasa akong hindi makaaapekto ang kontrobersiyang ito sa tsansa niyang manalo sa paningin ng mga hurado.
Ang kahiya-hiyang ugaling ito ng ilang netizens ay nagpapaalala sa isang kantang nasa album ng isa pang banda noong kasikatan ng Eheads, ang Radioactive Sago Project. Sa awitin nilang “Gusto ko ng Baboy,” binanggit ng frontman na si Lourd de Veyra (opo, ang TV5 anchor at dati kong estudyante) na marahil, “…lahat tayo baboy!”
* * *
Ramdam ko ang pagkadesmaya ni retired associate justice Antonio Carpio sa pagsisikap niyang mapaliwanagan ang administrasyong masyadong abala para siya ay pakinggan. Maliwanag namang hindi siya sineseryoso ng Malacañang at walang intensiyon ang Pangulo na makipagharapan sa kanya sa isang debate tungkol sa West Philippine Sea.
Abala ang isip ng Presidente sa mga hakbangin kung paano pakikisamahan ang China, at walang anumang debate o matalinong diskusyon ang makaaapekto sa pagkagiliw niya sa Beijing. Bagamat inaasahan na, nakatatawa pa rin kung paanong ipinasa ng Palasyo kay Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., ang pagiging kinatawan sa debate na para bang alam nilang hindi ikokonsidera ni Carpio si Roque bilang kahalili ni Duterte.
* * *
Narating na marahil ng Pangulo ang edad na ipinipilit niya ang magustuhan kahit pa lihis ito sa katwiran. Halata naman kung gaano niya kagustong manatili sa puwesto ang ating hindi kagalingang kalihim ng Department of Health (DOH).
Noong nakaraang linggo, humingi ng paumanhin ang Pangulo na nagpabakuna siya ng hindi pa aprobadong Sinopharm kahit pa naging malaking usapin na nga ang pagtuturok nito sa mga miyembro ng Presidential Security Group ilang buwan na ang nakalipas. Hindi pa pinahihintulutan ng Food and Drug Administration (FDA), isang ahensiyang nasasaklawan ng DOH, ang paggamit nito sa ating bansa.
Pero sino ba ang malaki ang pagkakangiti habang binabakunahan si Duterte sa braso? Si Secretary Francisco Duque III, siyempre pa! Sinabi ni FDA Executive Director Eric Domingo na napanood niya ang eksenang iyon sa TV at kaagad daw niyang tinext ang pinuno ng DOH: “Sec, talaga bang Sinopharm ang itinurok mo?” Sinabi ni Domingo na ganito ang isinagot sa kanya ni Duque: “Oo, pero nagulat din ako.”
Gayonman, pinili ng Pangulo na humingi ng paumanhin sa pagpapaturok niya kaysa papanagutin si Duque sa nangyari.
Kung ikokonsidera ang kanyang edad at hindi kahabaang pasensiya, ang payagan si Duterte na makipagharapan sa isa sa pinakamahuhusay na mahistrado sa kasaysayan ng ating bansa ay tiyak na magpapagalit lamang sa kanya. At dahil siya lamang sa administrasyon ang pupuwedeng magmura, inaasahan ko nang pauulanan niya ng mura si Carpio bilang depensa sa kanyang argumento o baka naman aktuwal na itapon niya sa basurahan ang arbitral ruling.
Wala naman sigurong gusto na makita pa iyon, maliban na lang kung “lahat tayo, baboy.”
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
Check Also
Umay ka na ba sa korupsiyon?
FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANG pagiging talamak ng korupsiyon sa mga pinapasok na …
Sumuko nga ba o naaresto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC)?
AKSYON AGADni Almar Danguilan MARAMI ang nagugulohan sa totoong detalye ng pagpapasakamay ni Quiboloy sa …
Senator Cynthia Villar tatakbo para sa kongreso magpinsang Aguilar maglalaban para sa mayor
Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata NOONG nabubuhay pa ang yumaong Vergel “Nene” Aguilar, tahimik …
Ano pa ang hinihintay ng DOH sa Mpox vaccine?
AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI pa naman daw kailangan ng social distancing para sa seguridad …
74-anyos lolo, nawalan na ng wallet at cellphone, ikinulong pa
YANIGni Bong Ramos KAHABAG-HABAG ang sinapit ng isang 74-anyos Lolo na matapos mawala ang wallet …