Rainmakers, Gerphil, Allison, Lady Chatterly nakiisa sa anibersaryo ng Knights of Rizal
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HINDI pa rin kumukupas ang galing ng sikat na grupo noong ‘70s, ang The Rainmakers na nagtanghal sa 75th founding anniversary celebration ng Knights of Rizal (KOR) sa Manila Hotel.
Ang Rainmakers ang grupong nasa likod hit songs na Binibini at You And Me.
Sa unang pagkanta pa lamang ng Rainmakers agad nagsitayuan ang mga dumalo sa anniversary at sumayaw sa mga kinantang You To Me Are Everything, September, More Today Than Yesterday at marami pang iba.
Dumalo rin sa pagtitipon at nagbigay ng magagandang awitin sina Gerphil Flores, Allison Gonzales, Lady Chatterly Alvaro- Sumbeling, NOVA, at ang dating senador na si Joey Lina.
Tampok sa selebrasyon ang paglulunsad ng kanilang national milk program, ang M.I.L.K. IN THE PHILIPPINES, o M-ake I-ntelligent L-ots of K-ids in the Philippines, na layong makatulong sa mga mahihirap at nutritionally at-risk na buntis para mapabuti ang nutrisyon ng kanilang mga magiging anak.
Sa halip na direktang sa bata ibigay ang gatas, nakatuon ang programa sa mga ina, lalo sa panahon ng pagbubuntis, bilang bahagi ng tinatawag na First 1000 Days of a Child’s Life.
Ayon kay KOR Supreme Commander Dr. Manny Calairo, KGCR, unang isasagawa ang program sa loob ng 15 magkakasunod na buwan katuwang ang iba’t ibang local government units (LGUs) sa buong bansa.
Aniya, ”This involves daily sustained milk feeding of poor and nutritionally at risk pregnant mothers (ideally in their earliest period of the 1st trimester of pregnancy) to fight malnutrition that results in the permanent brain stunting of a child after 2 years of age.”
Iginiit ni Calairo na malaking problema ang malnutrition sa mga batang Filipino, lalo na sa mga pamilyang kapos sa buhay.
Ayon sa datos na ibinahagi sa programa, isa sa bawat apat na batang Filipino, o 25%, ang ipinapanganak na stunted.
Sa pagtatapos ng programa, muling binigyang-diin ni Calairo ang kahalagahan ng kabataan sa kinabukasan ng bansa.
Aniya, ”Ang mga kabataan ay ang kinabukan ng atin bayan.”
Kasunod nito ang panawagan na magkaisa para sa kapakanan ng mga batang Filipino at bigyan sila ng mas magandang pagkakataon sa buhay.