May-ari ng Maddox gustong maging super affordable ang diamond
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
GUSTONG makilala ng personal ng Maddox Jewelry CEO, Miss Charo Cordial si Marian Rivera. Gandang-ganda kasi siya sa misis ni Dingdong Dantes.
Sa pakikipag-usap ng entertainment press kay Ms Charo bago ang Iconic Runway Diamond Jewelry Fashion Show 2026 na ginanap sa Edsa Shangri-La Hotel Ballroom noong July 30 naitsika nitong gusto niyang makilala at regaluhan ng diamonds si Marian.
Si Claudine Barretto naman ang gusto niyang gumanap sa karakter niya sakaling isapelikula ang success story niya.
Si Clau ang isa sa unang artistang nakilala niya dahil tumawag-tawag na ang aktres sa kanya para bumili ng alahas.
Panahon ng Covid-19 pandemic sinimulan ni Ms Charo ang kanyang negosyo sa alahas.
Aniya, out of boredom ay nag-online selling siya noong 2020 at sa simula ay mga bag lang angibinebenta niya.
“Noong pandemic kasi ang ibinebenta ko po noon, bags lang. Kasi may mga lumang-luma akong mga bag, hindi naman po mga branded, mga sakto lang na bags.
“Para lang po may maibenta ako. Hindi ko naman po kasi pwede ibenta ang bahay namin. So, ‘ah, meron pala!’ Benta ako. Tapos, may kakwentuhan ako, ‘ay, ang saya, may kausap.’
“Tapos may bumibili rin po ng mga bag ko. Tapos after a while, sabi ko ‘ang hirap pala niya ipa-ship kasi mabigat at saka malaki.’
“Sabi ko, ano kayang pwedeng ibenta na maliit lang. Para hindi ako mahirapan magpa-ship, small lang. Naisip ko ‘yung alahas. Sabi ko ‘ay, ang liit lang niya ipa-ship.’ So roon na siya nag-umpisa,” mahabang kuwento ni Ms Charo.
“Bumibili ako ng mga gold paisa-isa lang, tapos ibinebenta ko. May bumibili naman,” dagdag pa niya.
Kaya naman itinuloy niya ang pagbebenta ng alahas hanggang sa naipatayo na niya ang Maddox Jewelry.
Sa ngayon, isa na ang Maddox sa pinakamalaking jewelry company sa bansa. Rito na rin niya nagsimulang makilala ang mga showbiz personalities na mga customer niya.
Ani Ms Charo, “Noong una nito, wala kaming plan to have mga ganitong fashion show pero habang lumalaki po kasi ang Maddox, we cater many customers already, even mga celebrity.
“Ang isa sa mga mission and vision namin is maging super affordable ‘yung diamond jewelry, luxury sa lahat po ng Pilipinas.
“So ito, isang way po namin ito para makita po ng lahat ng hindi pa nakakakilala sa amin na mayroon pong diamond jewelry na pwede pong bilhin kahit ng mga ordinaryong tao.
“Na kaya pala naming bilhin siya, na hindi lang siya pang-millions, pang-mga alta. So all Filipina can afford.
“Parang we want to spread the means para sa lahat from Maddox jewelry,” sabi pa ni Ms Charo.
Si Korina Sanchez ang nagsilbing host ng gabing iyon na mahigit 40 celebrity models ang rumampa suot ang naggagandahang diamond jewelry collections ng Maddox.
Idinirehe ang fashion show ng batikang fashion director na si Robby Carmona.
Kabilang sa mga rumampa sina Claudine, Ara Mina, Beauty Gonzales, Pokwang, Katrina Halili, AJ Raval, Ryza Cenon, Diego Loyzaga, Kris Bernal, Jeric Raval, Amy Austria, Eric Quizon, Jackie Lou Blanco, Gardo Versoza .
Well-applauded ang Together Forever dance nina Roderick Paulate at Carmi Martin.