Marcene Bernice Bermundo, pinarangalan bilang Young Faces of Success sa Philippine Faces of Success 2026

Marcene Bernice Bermundo

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

ANG talented na bagets na si Marcene Bernice Bermundo ang isa sa pinarangalan sa nagdaangPhilippine Faces of Success 2026 bilang Young Faces of Success.

Nakamit ni Marcene ang parangal bilang pagkilala sa kanyang mga natatanging tagumpay as a teen beauty queen, ramp model, bilang aktres, at miyembro ng grupong KITTRIX.

Ang star-studded at puno ng ningning na awards night ay ginanap sa Grand Ballroom ng Camelot Hotel noong August 1. Ang event ay pinangunahan ng BEST Magazine Publisher at tinaguriang Award Guru na si Richard Hinola.

Sa aming panayam, si Mercene ay nagpahayag ng labis na kagalakan sa natamong pagkilala.

Aniya, “I’m really grateful po na I received an award today and also, I am very-very happy that I am here with other artists.”

Debut movie niya ang advocacy film na “Teen Journeys” na tinatampukan nina Yvonne Lexie Valencerina, Billy Domingo, Sky Espinosa, Marianne Bermundo, Rj Ariar, Moi Bien, Keana Reeves, at Rayan Dulay. Ito ay mula sa writer-director-producer na si Direk Crisaldo Pablo.

Ang advocacy film na ito ay proudly presented by The LoveLife Project’s YEAHA Channel. Nagbigay siya nang kaunting patikim sa kanilang pelikula.

Pahayag ni Marcene, “I am Cene po sa movie namin and I am one of Yvonne’s and Kuya K’s friends and parang one of the kids na nagpe-play…

“Ang aral na mapupulot po sa kuwento namin ay suportahan ang isa’t isa kahit ano man ang kanilang gender and treat each other equally, plus dapat po na huwag mahiyang ipakita kung sino ang totoong ikaw.”

Aniya pa, “Naka-relate po ako sa movie, because I really love people who are really themselves… and of course I also help people to be confident and tell them who they are.”

Sinabi rin ng bagets na ito na nag-enjoy siya sa shooting ng pelikulang Teen Journeys.

Esplika niya, “Ang saya po actually, kasi nakapunta po ako sa ibang place. And also I support a lot of things, mas napaganda ko rin ang arte ko… and dahil nagkaroon po ako ng mga bagong kaibigan at mga tao na sobrang babait.”

Ang bagets na ito ay isa rin sa member ng Ppop Girl Group na KITTRIX  na binubuo nina Sam, Gil, Jan, Jas, Aya, Loe at Cyn (Cene).

Sila ay may apat na single na, ito ang “Rampadora”, “Ngiting Tagumpay”, “Seen Mode Pero Kinikilig”, at “Feel Na Feel”.

Ayon pa sa kanya, kahit kumakanta siya at umaarte na rin sa pelikula, ang priority raw ni Marcene ay ang kanyang pag-aaral.

Ang 13-year-old na ito ay kasalukuyang nasa Grade 8 sa Manila Science High School.

Ang kanyang mother ay ang kilalang fashion designer and events producer na si Ms. Virgie Batalla Bermundo.