Marahil ang kantang “The Times They Are a-Changin’” ni Bob Dylan ang pinakasikat niyang awitin.
Isinulat niya ito noong 1963, sa intensiyong gawin itong “anthem of change” na napapanahon sapagkat kasagsagan iyon ng diskriminasyon laban sa mga African-American.
Sabi ni Dylan, gusto niyang makapagsulat ng awitin na bagama’t maiikli ang berso ay magiging makabuluhan.
Salamin nito ang kanyang perspektibo sa kawalan ng katarungan sa lipunan at ng tila pagkikibit-balikat ng gobyerno.
Ang mga linyang “Come gather ‘round people/ Wherever you roam/ And admit that the waters/ Around you have grown” ay panawagan sa taongbayan na magkaisa, at huwag magbulag-bulagan sa mga anomalya sa gobyerno at sa isyu ng racism at kahirapan.
Sa kabuuan, ang mensahe nito ay pagsulong sa pagtanggap sa mga pagbabago sa lipunan.
Wala pang isang buwan simula nang irekord ni Dylan ang awitin, pinaslang si Pangulong John F. Kennedy.
Dahil dito, mas tumibay ang pakahulugan ng kanta at nagkaroon ng pag-aalinlangan si Dylan kung patuloy niya ba itong kakantahin sa mga concert. Hindi niya mawari kung bakit magpapalakpakan ang mga manonood sa tuwing kinakanta niya ito.
“Whether or not Dylan really wrote the protest anthem in a moment of cynicism, it remains one of the defining works of the 1960s. It was released weeks after JFK’s death and just a few months before the Civil Rights Act of 1964 passed. It was a time of tectonic cultural shifts, and Dylan summed it up in a three-minute folk song,” pahayag ng Rolling Stone Magazine.
Dahil sa kasikatan at mensahe ng “The Times They Are a-Changin,’” isinama ito sa “500 Songs That Shaped Rock and Roll,” isang permanenteng exhibit sa Rock and Roll Hall of Fame. (Joana Cruz)