SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAPAHANGA kami sa ipinakitang trailer ng pinakabagong seryeng handog ng Viva na mapapanood sa Viva One simula February 6, 2026, ang Hell University na pinagbibidahan ng pinakabagong tampok na loveteam, sina Heart Ryan at Zeke Polina.
Sa isinagawang media conference nakita namin kung paanong binigyan ng bagong mukha at excitement ni direk Bobby Bonifacio, Jr. ang Wattpad series ni KnightInBlack na may182 million reads, at sumunod na inilabas bilang paperback ng Psicom Publishing.
Kitang-kita ang gustong ipabatid ni direk Bobby—na kung sa tingin mo ay naranasan mo na ang impyerno sa iyong buhay estudyante, dapat mong malaman kung ano pa ang pwedeng maganap sa Hell University.
Sa Hell University, libre ang tuition, pagkain, pero sa oras na pumasok doon, maaaring buhay ang kabayaran bago makalabas. Ang unibersidad na iyon ay hindi sakop ng gobyerno at tago sa publiko. Normal ang karahasan at may tinatawag na Bloody Night mula 7:00 p.m.-5:00 a.m. na ang pagpatay ay hindi parurusahan.
Anim na magkakaibigan ang ‘di inaasahang mapapadpad sa lugar na iyon at maibibilang sa mga estudyante. Sa loob, maiipit sila sa labanan ng Black Blood Gang at ng Devil God Warriors.
Si Heart (Da Pers Family, Ang Mutya ng Section E) ay gumaganap bilang si Zein, ang pinaka-matapang at palaban sa mga magkakaibigan kaya itinuturing na lider. Gagawin niya ang lahat para protektahan sila. Makakatapat niya ang student council president na kilala bilang “Supremo.”
Si Zeke (Ang Mutya ng Section E) ang Supremo na ang buong pangalan ay Ace Craige. Tahimik lang pero nakasisindak ang dating. Dapat seryosohin kapag nagbigay ng babala dahil kapag umulit ito, malamang sa hukay na ang kahihinatnan mo.
Ang mga kaibigan ni Zein ay sina Matt, (Andre Yllana), Mia (Gabby Ejercito) ang pinakamalumanay sa grupo pero kayang lumaban para sa mga kaibigan, best friend ni Matt (Derick Ong), at ang matalino at prankang si Vanessa (Jastine Lim). Ipakikilala rin sa serye ang showbiz royalty, bukod kay Gabby, si Jac Abellana (Jerome), ang maloko pero maaasahan sa grupo.
Nagbabalik tambalan naman mula sa matagumpay na Avenues of the Diamond sina Aubrey Caraanat Lance Carr (Raze), ang lider ng Devil God Warriors. Laging may suot na maskara pero hindi itinatago ang kakaibang kanang mata na kulay pula. Ang tunay niyang pagkatao ay ikagugulat ng buong unibersidad. Si Aubrey si Samantha na nababalutan ng kababalaghan. Siya ay may malaking kinalaman sa nangyayari sa unibersidad.
Si Keagan De Jesus si Nazzer, ang lider ng Black Blood Gang. Mukhang maamo at malambing magsalita pero ito ay panakip lang sa kanyang kalupitan.
Si Jemima Rivera si Nicky, ang nag-iisang babae ng Black Blood Gang kaya reyna ang turing sa kanya.
Sa naganap na cast reveal noong Nobyembre, ipinagmalaki ni direk Bobby, Jr. na maingat na pinili ang mga aktor mula sa mga audition para mabigyang buhay ang mga karakter mula sa libro.
Sa February 6, mapapanood na ang Hell Universitysa Viva One.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com