SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
SINONG mag-aakalang ang nabuong DanAquil loveteam noong 2005 ay muling kagigiliwan ng netizens.
Trending ang Aquil, I love You!—Danaya video nina Alfred Vargas at Diana Zubiri na pinusuan at dinagsa ng mga positibong reaksiyon mula sa mga netizen. Ang tagpong iyon ay mula sa Encantadiana napanood noong 2005 sa GMA.
Sa GMA nagsimula ang popular loveteam ng DanAquil mula sa fantasy series na Encantadia. Ginampanan ni Alfred ang karakter ni Aquil, ang commander ng Lirean army, samantalang ang karakter ni Danaya ang ginampanan ni Diana, isa sa apat na Sang’gres.
Ikinatuwa ni Alfred na pagpuri ng netizens sa kanilang tambalan ni Diana.
Anang aktor/konsehal ng 5th District ng Quezon City, “Ang tagal na nitong ‘Encantadia’ at nakagugulat na hanggang ngayon, may mga kinikilig pa rin sa amin.
“Nagulat nga ako nang may nag-tag, nagpadala sa akin niyong video. Nakatutuwa na trending siya.
“Maganda ang naging working relationship namin ni Diana at we remain friends until now. Hope makagawa uli kami ng movie o series,” dagdag pa ni Alfred.
Sinabi pa ng aktor na, “Sa lahat ng sumuporta at nagmahal sa ‘Encantadia,’ mula noon hanggang ngayon, maraming salamat!
“Avisala! 💙🙏🏽”
Pagkaraan ng Encantadia, nasundan ang pagsasama ng DanAquil sa Etheria: Ang Ika-Limang Kaharian ng Encantadia (2005-2006). At nagtuloy pa ito sa huling kabanata ng orihinal na Encantadia saga taong 2006, ang Encantadia: Pag-ibig hanggang wakas.
Dahil sa tagumpay ng loveteam nina Alfred at Diana, nabigyan sila ng isa pang project mula GMA. Hindi na galing sa acting ang ipinakita ng dalawa kundi galing naman sa pagho-host, ang Ang Pagbabago, isang reality show noong July 10, 2006.
Gumawa rin sila ng pelikula noong 2006, ang I Wanna Be Happy, isang comedy film na pinagbidahan din nina Eddie Garcia at Gloria Romero na idinirehe ni Jose Javier Reyes mula Seiko Films. Nagsama rin sila sa Liberated (2003) na idinirehe naman ni Mac Alejandre.
Hindi na nagkasama pa sa 2016 Encantadia sequel ang DanAquil. Ibang karakter na ang ginampanan ni Diana, si LilaSari at pagkaraan at saka umapir si Alfred bilang si Amarro. Ito rin ang karakter na ginampanan ni Alfred sa Encantandia’s second chapter, ang Etheria: Ang Ika-Limang Kaharian ng Encantadia.
Pagkaraan, ginampanan naman nina Rocco Nacino at Sanya Lopez ang karakter na Aquil at Danaya.
Ang orihinal na Aquil (Alfred) ay namatay sa first season’s finale. At saka naman isinama si Alfred sa Etheria para gampanan ang karakter na Amarro, ang mabait na ama ni Aquil na half-Hathor at half-Diwata.
Ang pagkakasama ni Alfred sa Encantadia ang nagmarka sa kanyang pagbabalik sa GMA-7. Taong 2011 nagbalik si Alfred sa kanyang original home, ang ABS-CBN at doo’y gumawa siya ng maraming teleserye at pagkaraan ay nag-focus na bilang politician.
Si Alfred ang ika-pitong original cast member na naisama sa latest version noon ng Encantadia.
Ang Aquil, I love you!—Danaya video ay isa sa mga eksenang paborito ng netizens. Marami ang kinilig at talaga namang pumupuri sa loveteam nila. Ilan sa mga comment ng netizens ay ang mga sumusunod:
“Dito ako kinilig eh. nag i love si sangre danaya.”
“Yan gusto kong loveteam dati e.”
“Ayyhiiiee tong Aquil tlga inaabangan q sa ENGCANTADIA dati.”
“Gusto ko talaga yong dating sangre…ang galing talaga nla idol na idol ko vla.”
“My favorite “encantadia” the best tlaga, ito yong mga Original nakakamis Silang panoorin…my fav scene kakilig, love it.”
Sa mga komentong ito, tila nagtatawag ang mga netizen ng muling pagtatambal nina Alfred at Diana, maisakatuparan kaya ang kahilingang ito?
Abangan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com