HNDI babalewalain ng Egypt ang first-timer na Alas Pilipinas, naniniwalang may magandang koponan ang host country sa kauna-unahang pagsali nito sa FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Tinalo ng Egypt ang mas mataas ang ranggo na Iran, 25-17, 16-25, 25-23, 25-20, sa unang laro nila sa Pool A noong Linggo sa Mall of Asia Arena.
Ngunit ayon kay Egypt coach Marco Bonitta, na makakaharap ang kapwa niyang Italianong si Angiolino Frigoni, inaasahan niyang magiging isang mahirap na laban ang sagupaan kontra Pilipinas sa Martes ng 5:30 p.m.
Bagamat tinambakan ng Tunisia ang Alas Pilipinas sa pagbubukas ng torneo noong Biyernes, humanga si Bonitta sa ipinakitang tapang ng mga Pilipinong spiker, lalo na sa third set na pinangunahan ni team captain Bryan Bagunas.
“Magiging isang napakahirap na laban ito dahil medyo kabado ang Pilipinas sa first at second sets, pero maganda ang ipinakita nila simula ng third set. Sigurado ako na ang totoong antas ng Pilipinas ay makikita na sa first set pa lang, kaya tiyak na magiging isang matinding laban ito,” sabi ni Bonitta.
Sina Ahmed Shafik, Abdelrahman Elhossiny, at Aly Seifeldin Hassan ay nagsabing kailangang maging handa sila laban sa “magandang Alas team” na may malaking suporta mula sa home crowd.
“Napakagandang karanasan ang maglaro sa isang court na punung-puno ng tao. Umaasa akong magpapatuloy ang panalo namin. Magagaling ang mga manlalaro ng Pilipinas. Kilala ko rin ang coach nila—isang mahusay na coach na matagal na sa taas,” ani Elhossiny matapos makapagtala ng 17 puntos.
Si Hassan, na may 12 puntos, ay nagsabi rin na mahalaga ang tamang mindset sa harap ng homecourt advantage ng Pilipinas.
“Siguradong mahirap ang magiging laban kontra Pilipinas. Maghahanda kami nang husto dahil narito kami sa Pilipinas at kasama nila ang kanilang mga tagasuporta, pero kakayanin namin ito,” aniya. (PNVF release)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com