MULING naging sentro ng mundo ng palakasan ang Pilipinas, nang opisyal nitong simulan ang pinakamalaking FIVB Volleyball Men’s World Championship sa kasaysayan sa isang makulay at engrandeng pagbubukas nitong Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Lungsod ng Pasay.
Mula sa mga pagtatanghal ng kulturang Pilipino hanggang sa mga world-class na performances, tunay na naging isang masaya at makasaysayang gabi ito bago pa man ang mas matinding bakbakan ng 32 koponang hinati sa walong grupo na magsisimula ng kanilang mga laban sa Sabado sa parehong MOA Arena at Smart-Araneta Coliseum sa Lungsod Quezon.
“Tiyak naming narito ang pinakamahusay na volleyball sa buong mundo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginanap ang Men’s World Championship sa Timog-Silangang Asya, at unang beses din itong lumahok ang 32 bansa — 32 koponang maglalaban para sa isang dangal at isang tropeo,” pahayag ni FIVB president Fabio Azevedo.
“Sa loob ng maraming taon, ang volleyball ay tila nasa likod lamang ng ibang paboritong isport sa bansa — ang basketball. Pero ngayon, narito tayo: ang crowd na ito, ang event na ito, ang sandaling ito — nasa harap tayo ng isang bagong panahon at simula ng isang kapanapanabik na pamana. Mabuhay ang Pilipinas,” dagdag pa ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Pinangunahan ng FIVB, PSC, at ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pangunguna ni Ramon “Tats” Suzara — na siya ring presidente ng Asian Volleyball Confederation (AVC) at executive VP ng FIVB — ang pagdadala ng 32 watawat, na pinangunahan ng host na Pilipinas, upang opisyal na ideklara ang pagbubukas ng mga laro sa harap ng libu-libong volleyball fans sa bansa.
Hindi rin kumpleto ang gabi kung wala ang engrandeng pagtatanghal ng mga lokal at internasyonal na performers sa makasaysayang edisyong ito ng World Championship na inorganisa ni Suzara ng Local Organizing Committee, na pinangungunahan din nina Presidential son William Vincent “Vinny” Araneta Marcos, Senador Alan Peter Cayetano, at Tourism Secretary Christina Frasco.
Kasama rin sa LOC Board sina Senadora Pia Cayetano at POC President Abraham “Bambol” Tolentino.
Binigyang saya ng up-and-coming K-POP group na BOYNEXTDOOR ang mini-concert sa pamamagitan ng kanilang pagtatanghal para sa libo-libong Pilipinong tagahanga na dumagsa kahit na maulan at abalang Biyernes.
Ipinamalas naman ng Ramon Obusan Folkloric Group ang mayamang kultura at pamana ng Pilipinas sa world stage, kasama ang Bruganda Drumline and Dancers. Nagdagdag din ng energy sa gabi sina P-POP girl group G22 at Cebuana singer Karencitta sa kanilang electrifying na performances.
Isinagawa ang engrandeng pagbubukas bilang paghahanda sa laban ng Alas Pilipinas kontra Tunisia, na ginanap din sa MOA Arena.
“Sa Philippine team, hangad ko ang inyong tagumpay sa pandaigdigang entabladong ito. Ngunit huwag kalilimutan: ang tunay na pagbabago ay kung paano ninyo binabago ang imahe ng sports sa ating bansa. Tinuturing natin silang Alas Pilipinas dahil hindi lamang sila naglalaro para sa bayan — sila ay bahagi ng bagong yugto sa kasaysayan ng palakasan, kung saan ang volleyball ang magiging sandigan ng muling pagbangon ng Pilipinas bilang puso ng sports sa Timog-Silangang Asya,” dagdag ni Gregorio.
Ang World Men’s Volleyball Championship ay suportado rin ng mga sponsors tulad ng Rebisco, SM, PLDT, SMART, Metro Pacific Investment, Honda Philippines, Meralco, Sony, Lenovo, at LRT Line 2, at opisyal na kinikilala ng FIVB. Nakipagtulungan din ang Volleyball World, Mikasa (opisyal na bola), Mizuno, Gerflor, at Senoh Corporation.
Magpapatuloy ang torneo hanggang Setyembre 28, bilang bahagi ng sunod-sunod na world sporting events na ginanap sa Pilipinas, kasunod ng matagumpay na 2023 FIBA Basketball World Cup.
Ang mga tiket para sa mga laro ay mabibili sa kanilang opisyal na website:https://www.philippineswch2025.com(PNVF)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com