IDEDEPENSA ng National University (NU) ang kanilang titulo sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na magsisimula sa Setyembre 20 sa Playtime FilOil Center, San Juan City.
Lalahok ang 16 koponan — anim mula UAAP at sampu mula NCAA. Hindi sasali ang De La Salle University at University of the East dahil sa rebuilding ng kanilang mga roster.
“Bagamat 16 lang ang teams, exciting pa rin dahil may mga bagong players na ipapakita,” ani Dr. Ian Laurel ng Athletic Events and Sports Management, Inc, (ACES), president at organizer ng torneo sa ginanap na pulong balitaan ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup sa Shakey’s Buendia sa Makati City.
Nanguna sa okasyon si Mr. Vic Gregorio president at CEO ng Shakey’s Pizza Asia Ventures, Inc. (SPAVI) kasama sina Oliver Sicam SPAVI general manager, Regina Asa SPAVI marketing head, Jude Turcuato PLDT at Smart Communications head of sports, Ariel Paredes ACES director, at coaches, team captain ng mga kalahok na koponan.
Ang mga teams ay hahatiin sa apat na pool para sa single-round robin preliminaries. Ang top 2 mula sa bawat pool ay uusad sa susunod na round, na susundan ng quarterfinals, semis, at finals (best-of-three). May twice-to-beat advantage ang top 2 teams sa quarters.
Ipapatupad ang all-to-play format, kung saan kailangang magamit lahat ng players sa line-up.
“Makakatulong ito sa paghahanda ng mga teams para sa kanilang mga mother leagues,” dagdag ni Laurel.
Ang Unity Cup ang huling yugto ng taon para sa SSL, matapos ang matagumpay na Girls Volleyball Invitational League at tatlong leg ng National Invitationals sa Davao, Cebu, at Batangas, na napanalunan ng NU, Adamson, at FEU.
“Gawin nating mas maganda at mas matagumpay ang torneo ngayong taon,” ani Shakey’s CEO Vic Gregorio.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com