NADAKIP ang lider ng Gapos Gang na isang pulis na umatake at nanlimas ng pera at mga ari-arian sa isang tindahan ng bigas sa Bocaue, Bulacan kamakailan.
Sa ulat ay napag-alamang nahagip sa CCTV footage nang pasukin ng limang armadong lalaki na naka-bonnet ang tindahan noong Sabado at iginapos ang mga tao sa loob saka kinuha ang mga pera at mga gamit.
Ayon kay Police Regional Office 3 director Police Brig.Gen. Ponce Rogelio Peñones, modus ng grupo na pasukin ang target na bahay at kapag nagbukas ng pintuan saka sila puwersahang papasok at itatali ang mga biktima hanggang lahat ng puwede nilang makuha ay kukunin nila.
Nitong Miyerkules, isang soft drinks warehouse naman ang inatake ng grupo at doon nakilala sa CCTV footage ang isa sa mga suspek nang bahagyang bumaba ang kanyang face mask at makita ang mukha.
Nag-imbestiga ang mga pulis hanggang sa matukoy nila ang lalaki at naaresto na isa palang pulis na si Police Staff Sergeant Miguel Andrew Oñate, 34-anyos, at nakatalaga sa Tanauan Police sa Batangas.
Nakuha mula sa suspek ang isang baril na kalibre .45, mga bala, isang pekeng baril, bolt cutter, mga cellphone, plaka ng sasakyan, at mga barya na kinuha mula sa soft drinks warehouse.
Positibong kinilala ng mga biktima ang pulis na suspek na nanloob sa kanila na ayon pa kay PColonel Peñones, kapag day off ang suspek na pulis ay doon gumagawa ng pangho-holdap kasama ang kanyang grupo.
Sinabi pa ng awtoridad na nirerentahan ng suspek sa Laguna ang sasakyan na ginagamit sa panghoholdap at inamin nito na tatlo na ang kanilang nabiktima.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga kabarong pulis ang suspek at mga galamay na mahaharap sa patong-patong na kaso. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com