“NASA tamang landas ang lahat ng aming paghahanda. Mahigpit ang aming koordinasyon sa Federation Internationale de Football Association (FIFA)—halos araw-araw ang aming mga pagpupulong upang tugunan ang mga update, partikular sa pagpapahusay ng mga venue alinsunod sa mga pamantayan ng FIFA. Maganda ang kalagayan ng ating paghahanda. Bagamat may ilang hamon na maaaring sumulpot, kami ay handa. Ang Local Organizing Committee ay nagsasagawa ng mahusay na trabaho katuwang ang FIFA upang matiyak ang matagumpay na pagdaraos ng kaganapang ito,” pahayag ni Gutierrez sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes, sa conference hall ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Rizal Memorial Sports Complex.
Samantala, ibinahagi ni Isabella “Belay” Fernando, pinuno ng Government Relations ng Local Organizing Committee, na 16 na bansa, kabilang ang Pilipinas, ang opisyal na kalahok sa torneo na nakatakdang ganapin mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7. Dagdag pa rito, isang malaking hakbang ang naganap nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Administrative Order No. 35, na nagtatatag ng isang Inter-Agency Task Force para sa maayos na paghahanda at pagsasagawa ng naturang paligsahan.
Ang mga bansang kalahok ay ang mga sumusunod: Europa: Spain, Italy, Poland, Portugal. Asya: Iran, Japan, Thailand, at ang Pilipinas. Aprika: Morocco at Tanzania. Hilagang Amerika: Canada at Panama. Timog Amerika: Argentina, Brazil, at Colombia. Oceania: New Zealand.
Bagamat kinikilala ang lakas ng mga makakalabang bansa, tiniyak ni Gutierrez na hindi lamang bilang kalahok kundi bilang isang kompetitibong koponan ang layunin ng Filipinas sa naturang torneo.
“Hindi kami naririto upang basta makibahagi lamang. Layunin naming makapaghatid ng positibong epekto at magpakita ng tunay na laban,” ani Gutierrez, habang binanggit ang mga bansang Spain, Italy, Brazil, Thailand, at Canada bilang mga pangunahing kakompetensya para sa kampeonato.
“Kung titingnan natin ang ating sarili bilang mahina kumpara sa mga powerhouse teams na ito, wala na tayong dahilan upang sumali pa. Ngunit sa makatotohanang pananaw, kami ay may kakayahang makipagsabayan,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng pamumuno ni Coach Rafa Merino ang 20-kataong training pool na pinangungunahan nina co-captains Inday Tolentino at Isabella Flanigan. Ang bilang na ito ay babawasan sa 16, at ang pinal na listahan ng 14 na manlalaro ang siyang kakatawan sa bansa sa torneo.
Bilang bahagi ng kanilang paghahanda, nakatakdang magsagawa ng training camp ang Filipinas sa Japan sa kalagitnaan ng Setyembre, at kasalukuyang nakikipag-ugnayan din ang koponan upang makapagsanay sa Europa sa panahon ng FIFA international window sa Oktubre.
Inanunsyo rin ni Fernando na ang opisyal na draw ceremony ay gaganapin sa Setyembre 15 sa BGC Arts Center.
“Isang mahalagang hakbang para sa kababaihang atleta ang pagkakaroon ng sariling World Cup para sa futsal. Kami ay lubos na nasasabik at nagpapasalamat sa tiwala ng FIFA sa pagbibigay sa Pilipinas ng pagkakataong i-host ang kaganapang ito,” pagtatapos ni Gutierrez. (PSA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com