UMABOT na sa Visayas, partikular sa Cebu City, ang kasabikan para sa FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025 nitong Sabado sa pangunguna ng world ambassador na si Eya Laure sa matagumpay na “Set Na Natin ’To” Trophy and Mascot Tour sa SM Seaside.
Masiglang nakihalubilo si Laure sa mga tagahanga habang umawit ng opisyal na theme song ng torneo na “Electrifying” ang ipinagmamalaking Cebuana na si Karencitta. Kasama rin nila ang opisyal na mga maskot na sina Koolog at Kid Lat na mas lalo pang pinasigla ang mga tao sa sigaw ng mantra ng Alas Pilipinas Men: “Laban Alas, Laban Pilipinas!”
“Lalong umiinit ang excitement at suporta para sa FIVB world championship,” ani Ramon “Tats” Suzara, pangulo ng Philippine National Volleyball Federation at Asian Volleyball Confederation. “Tiyak na magiging kakaiba at di malilimutang karanasan ito para sa mga Filipino fans.”
Mula sa Bangkok, binabantayan ni Suzara ang paghahanda ng bansa para sa pagho-host ng world championship na gaganapin mula Setyembre 12 hanggang 28, pati na rin ang pagsasanay ng Alas Pilipinas Men na katatapos lang ng kanilang ikalawang training camp sa Romania—pangalawa sa tatlong European camps.
Tinutulungan din ni Suzara ang paghahanda ng Thailand para sa women’s world championship na magsisimula ngayong Biyernes.
Hinikayat niya ang mga fans na agad kumuha ng tickets sa website na https://www.philippineswch2025.com habang may available pa.
Mainit na tinanggap ng Cebu City Sports Commission grassroots coach na si Gina Calvez, Region 7 Department of Tourism operations officer na si Neal Brylle Guillen, at Cebu City sports program coach Dianne Calvez ang Local Organizing Committee marketing team. Magsasagawa rin ng kaparehong event sa Laoag City sa Ilocos Norte sa Sabado (Agosto 24) at sa Cagayan de Oro City sa Agosto 31.
Samantala, bumiyahe ng limang oras ang Alas Pilipinas Men mula sa lungsod ng Piatra Neamț patungong kabisera ng Romania na Bucharest upang sumakay ng eroplano papunta sa kanilang huling training camp sa Portugal. Nagsimula ang kanilang European camp sa Morocco noong nakaraang linggo. (PNVF)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com