Wednesday , December 18 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Pagbubukas ng turismo pinaghahandaan na ng BI

BULABUGIN
ni Jerry Yap

NAGHAHANDA na ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa pagbubukas ng turismo sa mga banyagang sabik na muling makatuntong sa ating bansa.

Ngayong unti-unti nang bumababa ang kaso ng CoVid-19, inaasahan na luluwagan na ng Inter-gency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang travel ban para sa mga karatig-bansa, na turismo ang pakay sa Filipinas.

“Our frontline officers at the airports are ready and prepared, and we assure the travelling public of uninterrupted service should they decide to travel to the Philippines,” pahayag ni BI Commissioner Jaime Morente.

Sinabi ni Morente, kinakailangan dagdagan din ang bilang ng empleyado sa mga paliparan kung sakali mang bumalik na sa normal ang operasyon nito.

Malugod namang inihayag ng hepe ng Port Operations Division (POD) na si Atty. Carlos Capulong, na anomang oras ay nakahanda na ang kanilang buong puwersa.

        Kailan lang ay magbigay ng direktiba ang hepe ng buong dibisyon tungkol sa madaliang pagtugon sa mga kinakailangang posisyon sa airport, maging ito ay sa primary inspection o maging sa supervisory functions, kung sakali mang dumagsa ang mga pasahero sa airport.

Dagdag niya, anomang oras daw ay lalabas na ang appointments galing sa Department of Justice (DOJ) para sa 195 bagong immigration officers (IOs) na ide-deploy sa loob at labas ng Kamaynilaan.

Nangyari ang nasabing anunsiyo matapos ipahayag ni Press Secretary Harry Roque sa isang press briefing na handa nang buksan ang bansa para sa mga turistang banyaga.

Sinabi ng kalihim na kinakailangan obserbahan muna ng pamahalaan kung ano ang kahihinatnan ng ilang karatig-bansa na nagsimula nang buksan ang turismo.

Sinabi ni Roque na pinag-aaralan nila kung kinakailangang palawigin ang “green list” ng mga teritoryo kung saan ang mga biyahero ay ‘di na kailangan pang magpalipas ng ilang araw sa isang quarantine facility sa oras na sila ay pumasok sa bansa.

        “Should the IATF and the Office of the President see that the country is ready, we will be happy to welcome again foreign tourists to our shores,” pahayag ni Morente.

Iniulat ng BI na nagkaroon ng 72 porsiyentong pagbaba sa datos ng mga parating na biyahero mula sa ibang bansa sa una hanggang pangatlong bahagi ng 2021.


‘BOGUS’ NA INTEL AGENT/S
BINALAAN NI MORENTE

NAGBABALA si Commissioner Jaime Morente tungkol sa mga nagpapakilalang ahente o awtoridad ng Bureau of Immigration (BI) na nambibiktima at nangha-harass ng ilang foreigners.

Sa isang ‘advisory’ na inilabas ng ahensiya, sinabi ni Morente na nakatatanggap sila ng report tungkol sa mga tiwaling personalidad na nagpapakilala bilang mga ahente at kinokotongan ang mga dayuhan, lalo na ‘yung mga inaakala nilang may kaso o problema sa immigration.

“A victim sent us a letter for verification of a notice he received via courier, inviting him to the BI office in connection to a purported investigation, lest be charged and deported,” saad ni Commissioner Morente.

Ang naturang sulat ay pirmado ng isang nagpakilalang Special Agent Juanito Balmas na matapos beripikahin ay napag-alaman na hindi pala lehitimong empleyado ng BI.

“The victim was asked to appear before the BI on a Saturday. We have no office during Saturdays. We suspect that whoever was trying to harass him will meet him nearby and possibly extort money from him,” pahayag ni Morente.

Noon pa man ay hindi na pangkaraniwan ang mga ganitong modus ng ilang personalidad na gustong magsamantala sa mga banyagang turista. Ito man ay lehitimo o matagal nang naninirahan sa ating bansa.

Inilinaw rin ng pinuno ng Immigration na ang mga “legal notices” na galing mismo sa opisina ng ahensiya ay may kalakip na letterhead na pirmado ng hepe o kung sino man na “legit” na kawani ng BI.

Sa mga nagdaang taon at administrasyon ay hindi lang miminsang nakasakote ang mga awtoridad ng mga nagpapanggap na miyembro ng BI Intelligence Division.

Kundi man sila masuwerteng nakapangungulimbat, ay sa kulungan naman ang kanilang bagsak!

        Nawa’y magkaroon ng lakas ng loob ang mga mamamayan na isumbong agad sa pamunuan ng BI o maging sa mga alagad ng batas ang masamang gawain ng ilang kawatan.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Firing Line Robert Roque

Pagod na sa daluyong — kahit pa nasa tasa

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MAKALIPAS ang 10 araw sa detension, pinalaya na nitong …

Dragon Lady Amor Virata

Bayaw vs hipag for P’que city mayor

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MAGBABALIK si formermayor and congressman Edwin L. Olivarez sa …