ISINIWALAT ng kauna-unahang whistleblower na si Immigration Officer Allison Chiong na ang iba sa kanilang nakukuhang pera mula sa kontrobersiyal na ‘pastillas’ scam ay itinatabi upang gamitin sa pangangampanya ni dating Port Operations Division chief Marc Red Mariñas bilang alkalde ng Muntinlupa.
Nakuha umano ni Chiong ang naturang impormasyon mula sa matataas na operator ng naturang scam dahil sa kanilang follow-ups sa late payouts.
Mariin itong itinanggi ni Mariñas na humarap din sa nasabing pagdinig ng Senado.
Wala aniyang katotohanan na mayroong pyramid ng ‘pastillas’ scheme at iginiit din na hindi siya ang mastermind ng tiwaling gawain.
Partikular na pinangalanan ni Chiong sina TCEU terminal heads Glennford Comia, Denden Binsol, at Benlado Guevarra na kabilang sa ‘pastillas group.’
Ayon kay Chiong, kaya raw sikat na sikat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pangalan ni Mariñas ay dahil pinalulutang na tatakbo siya bilang mayor ng Muntinlupa at ang perang gagamitin ay mula sa mga nalikom na pera ng Chinese nationals.
(CYNTHIA MARTIN)