HINILING ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa gobyerno na payagan na muling makabiyahe ang motorcycle taxis para magkaroon muli ng ikabubuhay ang libo-libong riders.
Ayon kay Recto, kapag ginawa ito ng gobyerno walang gagastusin kahit na isang sentimo ngunit marami ang muling magkakatrabaho.
Maaari rin maalis ang mga motorcycle taxi rider sa mga listahan ng bininibigyan ng ayuda dahil makababalik na sila sa trabaho.
Ngunit diin ni Recto papayagan lang dapat makabiyahe muli ang motorcycle taxis kung makasusunod sila sa ipinatutupad na health and safety standards at aniya kung kakailanganin dapat ay gawin mandatory ang barrier, mask, at face shields gayondin ang disinfected safety helmets.
Kailangan lang aniyang ianunsiyo ng health experts na magiging ligtas ang rider at pasahero kung may barrier sa kanilang pagitan o sapat na ang mask, shield at helmet.
Naniniwala ang senador na kapag balik-operasyon na ang motorcycle taxis may dagdag na pagpipilian ng pampublikong transportasyon ang mga nakabalik na sa kanilang trabaho. (CYNTHIA MARTIN)